Pinangunahan ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang Training on Organic Agriculture (OA) Production Technologies with Extension Support sa Solanzo Integrated Farm, Brgy. Kapatalan, Siniloan, Laguna noong ika-3 hanggang ika-4 ng Marso, 2022. Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok ukol sa organikong paggugulayan at pagmamanukan. Ito ay dinaluhan ng dalawampu’t dalawang (22) magsasaka mula sa iba’t ibang upland barangay sa bayan ng Siniloan.
Sa pagbubukas ng programa, nagbigay ng mensahe si Gng. Sherylou C. Alfaro, Chief ng Partnerships and Accreditation Services Section ng ATI CALABARZON at nagpasalamat sa mga kalahok sa pagyakap sa programa ng organikong pagsasaka. Nagbigay naman ng pambungad na pananalita si Bb. Rosemarie Salazar na kumatawan kay Engr. Carlo Realeza, ang Pambayang Agrikultor.
Si Gng. Frene dela Cruz mula sa Office of the Provincial Agriculturist ng Laguna ang nagsilbing tagapagtalakay sa organikong paggugulayan. Samantala, si Gng. Lilibeth Macalagay naman mula sa Office of the Provincial Veterinarian ang nagbahagi ng organikong pagmamanukan.
Nagpasalamat si G. Alexander Flores mula sa Office of the Municipal Agriculturist sa lahat ng dumalo at pinaalalahanan ang mga kalahok na gamitin ang kanilang mga natutunan sa pagsasanay. Binati ni Dr. Rolando V. Maningas, Assistant Center Director ng ATI CALABARZON, ang mga kalahok at binigyang-diin ang kahalagahan ng organikong pagsasaka. Sa pagtatapos ng programa, nakatanggap ang bawat isang kalahok ng 22 day-old chicks (Dekalb brown) bilang panimula sa kanilang organic-based free range chicken production.
Ulat mula kay: Soledad E. Leal, Agriculturist II