TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Ang Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ay patuloy na nagbibigay ng kaalaman at kamalayan patungkol sa mga isyu at alalahanin na may kinalaman sa pagkakaiba-iba ng kultura sa loob ng mga tanggapan. Ito ay upang mapataas din ang pagsang-ayon na masolusyonan ang ganitong mga uri ng problema sa propesyunal at personal na buhay.
Kaugnay nito, ang ATI CALABARZON, katuwang ang Cavite Center for Mental Health, ay nagsagawa ng “Seminar on Cultural Diversity in the Workplace: Managing Your Mental Health” sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Cavite, Trece Martires City noong ika-23 ng Marso, 2022. Ang pagsasanay na ito ay hango sa konsepto ng pagiging sensitibo sa kasarian upang mabawasan ang mga hadlang o balakid sa kaunlarang pang-ekonomiya at pangsarili, pagkilala sa mga epekto ng mga gender-related stress sa mga tanggapan at pagtukoy sa mga maaaring pinagmumulan ng mga ito gayundin ang maaaring solusyonan dito.
Dalawampung (20) kawani mula sa OPA Cavite ang lumahok sa isang (1) araw na pagsasanay na nakatuon sa kagalingang pang-emosyon patungo sa sosyalisadong kapanahunan, stigma ng mga nakasanayang paniniwala ayon sa kalusugang pangkaisipan at mga bagong positibong pamamaraan para maiwasan ang stress sa trabaho at buhay.
Ulat mula kay: Angelo H. Hernandez, Project Evaluation Officer I