Radyo Eskwela sa Organikong Pagsasaka, Mapapakinggan na sa Bondoc Peninsula

Wed, 05/25/2022 - 15:02
Radyo Eskwela sa Organikong Pagsasaka, Mapapakinggan na sa Bondoc Peninsula

CATANAUAN, Quezon – Pormal na inilunsad ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang School-on-the-Air (SOA) on Organic Agriculture (OA) towards OA Production NC II: “Radyo Eskwela sa Organikong Pagsasaka para sa Bondoc Peninsula,” noong ika-20 ng Mayo, 2022 sa Catanauan, Quezon. Katuwang sa pagpapatupad ng programa ang Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO) IV-A, Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Quezon, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Quezon at mga Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Bondoc Peninsula sa lalawigan ng Quezon.

Dumalo sa paglulunsad ang Municipal Agriculturists, OA Coordinators at ilang magsasaka mula sa mga bayan ng Bondoc Peninsula. Nakiisa rin sina Agriculture Program Coordinating Officer (APCO) Rolando Cuasay, Provincial OA Focal Person Arlina Reyes at mga kinatawan mula sa OPA Quezon. Gayundin, nagpaabot ng mensahe sina ATI Director Dr. Rosana P. Mula at Regional OA Focal Person Ms. Eda Dimapilis mula sa DA RFO IV-A.

“ATI CALABARZON will be delivering this SOA on OA in a better normal. Mas malawak ang sakop at mas convenient sa ating farmers. Yung transfer ng information ay magigi ring convenient hindi lamang sa end ng mga estudyante pati facilitators at radio teachers din. Sama-sama tayo sa adhikain na maihatid ang tamang impormasyon at kaalaman sa inyo. Pakinabangan at gamiting susi ito sa tagumpay,” ani Dr. Rolando V. Maningas, OIC Center Director ng ATI CALABARZON, sa kanyang mensahe sa mga kalahok.

Samantala, ipinaliwanag ni Bb. Jamila Balmeo, Information Officer II / Project Officer, ang mga inaasahan at nilalaman ng programang SOA on OA tulad ng paksa, radyo titser, oras at araw ng pagsasahimpapawid. Ilan sa mga araling tatalakayin ay ang Soil Fertility and Nutrient Management, Organic Vegetable Production, Raising Organic Chicken, Applying Safety Measures in the Farm Operations at iba pa.

Mapapakinggan ang SOA on OA simula ika-17 ng Hunyo, 2022 hanggang ika-16 ng Setyembre, 2022 tuwing Byernes sa ganap na alas dose ng tanghali hanggang ala-una ng hapon (12:00 nn - 1:00 pm) sa partner radio station, ang 95.1 Kiss FM. Sabayan din itong mapapanood sa official Facebook page ng ATI CALABARZON at Broadcast Channel 6.

article-seo
bad