SARIAYA, Quezon - Isinagawa ang huling batch ng Information Caravan on "Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act (CFITF)”, na pinangunahan ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang Philippine Coconut Authority Region IV.
Humigit-kumulang 54 na magniniyog mula sa mga bayan ng Sariaya, Candelaria, at Lungsod ng Lucena ang nakiisa at nakinig sa mga programa sa ilalim ng CFIDP na inilahad mismo ng Training Specialist III ng DA-ATI CALABARZON na si, Bb. Vira Elyssa Jamolin.
Nakasama sa open forum ang mga kinatawan ng tagapagpatupad na ahensya kabilang ang DA Regional Field Office HVCDP, PCIC Region IV, Bureau of Animal Industry PhilHealth, DTI Quezon, PHilMech, Landbank of the Philippines, National Dairy Authority South Luzon, CDA Region IV, CHED Region IV, DPWH at PCA Region IV.
Nagpahayag naman ng suporta ang Regional Manager ng PCA IV, G. Bibiano Concibido Jr. sa katauhan ni G. Joselito R. Alcantara, Division Chief-I Quezon I, Mayor Marcelo P. Gayeta, sa katauhan ni G. Rustico Laurilla at mga ng kawani ng Pambayang Agrikultor ng Sariaya sa pangunguna ni OIC Municipal Agriculturist, Nelia G. Oribe.
Layunin ng gawain na ibahagi ang mga programa at serbisyo sa ilalim ng RA 11524 o mas kilala bilang CFITF sa mga benepisyaryo nito. Naganap ang information caravan noong ika-30 ng Setyembre 2022.
Magsasagawa din ng ganitong aktibidad sa mga Lalawigan ng Batangas at Laguna sa;
Oktubre 12, 2022 - Rosario, Batangas
Oktubre 14, 2022 - Nagcarlan, Laguna
Ulat ni: Hans Christopher Flores