Kalusugan ng Kabataan, Pagyamanin sa Organikong Pagtatanim

Thu, 04/27/2023 - 16:15
Urban organic Gardening.jpg

Dasmariñas City, Cavite – Ang pagkakaroon ng sapat na nutrisyon ay pangunahing pangangailangan ng mga bata sa kanilang paglaki. Ito ay may mahalagang papel sa kanilang pangkalahatang pag-unlad at sa pag-iwas sa mga sakit sa kalusugan. Mahalaga rin ang nutrisyon sa bawat edad dahil ito ay nakakatulong sa pagkakaroon ng isang malusog at masayang buhay.

Gayunpaman, ang pinaka-karaniwang problema ng mga bata sa kasalukuyan ay ang pagkakaroon ng nutrient o micronutrient deficiencies. Ito ang naging resulta ng pagbabago sa kanilang mga pattern sa pagkain sa mga nakaraang taon. May posibilidad silang magkonsumo ng mas maraming hindi malusog na taba, maraming asukal at mas kaunting pagkain ng prutas, gulay at iba pang masusustansiyang pagkain. Bilang karagdagan, para sa mga kumakain ng prutas at gulay, ang pinaka-karaniwang suplay para sa pagkonsumo ay ang mga produktong pangkomersyo dahil ang mga ito ang pinakamadaling makuha sa merkado.

Ang Virlanie Foundation, Inc., isang organisasyon na patuloy na nangangalaga sa mga batang mahihirap, inabandona at may mga kapansanan, ay nagbibigay ng isang mapag-alagang kapaligiran, mga pagkakataon para sa paggaling at pag-unlad sa pamamagitan ng multi-disciplinary approach, upang maabot nila ang buong potensyal at mapabilang sa lipunan. Ang foundation ay may layunin na turuan ang kanilang mga residente sa kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat at masustansiyang suplay ng pagkain sa pamamagitan ng pagsali sa kanila sa mga pangunahing gawain sa pagsasaka. Pinahahalagahan din nila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga produkto na walang kemikal at natural na lumago tungo sa paglinang ng kanilang kasanayan sa pamamagitan ng pagdaragdag ng naaangkop na kaalaman tungkol sa teknolohiya ng organikong agrikultura.

Ang Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON, sa pakikipagtulungan sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Cavite ay nagsagawa ng isang araw na "Seminar on Urban Organic Gardening: Safe and Nutritious Food for Children" bilang bahagi ng aktibidad para sa Early Child Care and Development (ECCD) noong ika-26 ng Abril, 2023 sa mismong tahanan ng Virlanie Foundation, Inc. sa lungsod ng Dasmariñas, Cavite.

Tinalakay sa pagsasanay na ito ang mga paksa tungkol sa kahalagahan ng organikong agrkultura, iba’t ibang paraan ng pagsasaayos ng urban garden, mga organikong pataba, pestisidyo at compost pit.

Dalawampung (20) kawani ng Virlanie Foundation, Inc. ang nakilahok sa isang araw na pagsasanay na pinamunuan ng mga kawani ng Planning, Monitoring and Evaluation Unit (PMEU) ng DA-ATI CALABARZON.

Ulat mula kay: Angelo H. Hernandez

 

article-seo
bad