Farming Communities sa Quezon, Binisita ng DA-ATI CALABARZON upang Isagawa ang Binhi ng Pag-asa Program para sa Kabataan

Thu, 08/03/2023 - 11:00
Binhi ng Pag-asa Program para sa Kabataan

Matagumpay na naisagawa ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute CALABARZON, katuwang ang Opisina ni Senator Grace Poe, ang limang (5) pangkat ng Municipal Training for Binhi ng Pag-asa Program. Ang mga serye ng pagsasanay ay naglalayong pahusayin at palakasin ang pamumuno at pagpapahalaga ng mga kabataan at linangin ang kanilang kakayahang mag-umpisa at magpatuloy ng negosyong pang-agrikultura.

Nagmula sa mga bayan ng Polillo, Burdeos, Panukulan, Real, Infanta, General Nakar, Buenavista, Guinayangan, San Narciso, San Francisco, San Andres, Calauag, Lopez at Tagkawayan ang isang daang (100) kabataan ang nakilahok at nagsipagtapos sa buwan ng Hulyo na bumuo sa limang pangkat ng pagsasanay.

Natalakay sa pagsasanay ang tungkol sa National Socio-Economic Situation of the Philippines, Leadership and Values Transformation, SPIN Workshop, Agricultural Policies, Agripreneurship at Social Media in Farming o Digital Agrimarketing na binigyang tugon ng mga tagapagtalakay mula sa Office of Senator Grace Poe. Nakatuwang din sa pagsasanay upang talakayin ang mga paksang pang-agrikultura ang mga eksperto mula sa Office of Provincial Agriculturist at Office of Provincial Veterinarian ng lalawigan ng Quezon.

Ayon kay G. Adrian Pinuaga mula sa bayan ng Buenavista, malaki ang kanyang pasasalamat sa oportunidad na binigay ng pagsasanay na ito sakanya upang matuto sa larangan ng agrikultura. Siya ay kasalukuyang nag-aaral ng kursong Edukasyon subalit dahil sa pagsasanay ng Binhi ng Pag-asa ay nakikita niya na ang kanyang puso ay nasa agrikultura. Dagdag pa niya na ang kanilang mga natutunan sa organic vegetable production ay sinisiguradong ibabahagi nila sa iba pang mga kabataan at magsasaka sa kanilang bayan.

Inaasahang magtatapos ang mga serye ng pagsasanay para sa nasabing programa sa katapusan ng Setyembre taong kasalukuyan.

Ulat ni: John Mendoza

 

article-seo
bad