Matagumpay na naisagawa ang “Training-Workshop on Strategic Planning for Agricultural and Fisheries Extension (AFE) Stakeholders” sa National Irrigation Administration Region IV-A, Pila, Laguna sa pangunguna ng Planning, Monitoring and Evaluation Unit ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON. Dalawampung (20) ekstensyonista na nagmula sa Tanggapan ng Panlalawigan at Pambayang Agrikultor sa iba’t ibang bayan at lalawigan sa rehiyon ang nakiisa sa aktibidad.
Sa loob ng apat (4) na araw ng pagsasanay, ipinaunawa sa mga kalahok ang bawat hakbang sa paggawa ng mga napapanahon at epektibong plano na tuwirang tutugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda sa mga lugar na kanilang nasasakupan. Ilan sa mga bahagi ng programa ang pagsasagawa ng empathy map, stakeholders’ analysis, vision statement preparation at strategy formulation.
Nagsilbing mga tagapagtalakay sina Bb. Frene dela Cruz mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Laguna, Bb. Cynthia Perez ng OPA Cavite, G. Arrish Ocampo ng OPA Quezon at G. Arman Engay mula naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region IV-A. Ang mga nasabing tagapagtalakay ay mga nagtapos din ng katulad na pagsasanay na isinagawa ng DA-ATI Central Office noong Hulyo 2022.
Sa huling araw, bawat pangkat ay binigyan ng pagkakataon na maipresenta ang kanilang mga nabuong plano gamit ang pinagsama-samang kaalaman na natutunan sa mga nakaraang araw. Saad pa ni Bb. Stephanie Viterbo sa kanyang impresyon, “Sa pagbalik ko sa aming opisina ay baon ko ang siksik, liglig at umaapaw na mga kaalaman hinggil sa pagpaplano para sa iba’t ibang proyekto at programa para sa aming munisipyo.”
Sa araw ng pagtatapos, nagpahatid ng mensahe ng pagbati si Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON. Binigyang-diin niya na ang nasa likod ng bawat matagumpay na gawain ay isang masusing pagpaplano at maayos na pagpapatupad nito.