CALAMBA CITY, Laguna- Nagtala ng 2,516 na mga nagsipagtapos mula sa iba’t ibang local government units (LGUs), state universities and colleges (SUCs), mga yunit ng National Irrigation Administration (NIA), at iba pang organisasyon sa rehiyon ang School-on-the-Air on Smart Rice Agriculture (SOA-SRA) o mas kilala na “Palay-Aralan: Makabagong Pagsasaka sa Himpapawid.” Ang programa ay isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute CALABARZON, katuwang ang DA-Regional Field Office IV-A.
Matagumpay na nakumpleto ng mga kalahok ang labing-anim na araw na pag-aaral sa paaralan sa himpapawid mula Hulyo hanggang Agosto 2023 na nakapagbahagi ng kaalaman, kasanayan, at mga teknolohiya sa pagsasaka ng palay, alinsunod sa pangangailangan ng makabagong panahon. Inihandog rin ng ikatlong taong pagsasagawa ng SOA-SRA ang dalawang segment na AgriPanahon katuwang ang na nagbabahagi ng mga ulat-panahon sa pakikipagtulungan sa Adaptation Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) Program – CALABARZON at mga napapanahong impormasyon at balita mula sa National Irrigation Administration (NIA) CALABARZON sa Balitang Lagaslas.
Dinaluhan ang nasabing pagtatapos ng mga kinatawan at coordinator ng mga kalahok na lokal na pamahalaan at institusyon na inaasahan namang magsasagawa rin ng seremonya para sa kani-kanilang mga nagsipagtapos. Samantala, nakibahagi rin sa araw ng pagtatapos sina Bb. Sherylou C. Alfaro, Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON; Engr. Erwin M. Lucela, Engineering and Operations Division Manager ng NIA IV-A; G. Wilfredo B. Collado, Chief Science Research Specialist ng DA-PhilRice Los Baños; at Gng. Alexandra Jamoralin, Senior Science Research Specialist ng DA-RARES na nagsilbing kinatawan ni Regional Executive Director G. Milo D. Delos Reyes ng DA-RFO IV-A.
Nagpaabot naman ng mensahe sa pamamagitan ng recorded video sina Sen. Cynthia A. Villar, tagapangulo ng Senate Committee on Agriculture and Food; Engr. Remelyn R. Recoter, OIC-Director IV ng DA-ATI Central Office, at DA-ATI CALABARZON Dr. Rolando V. Maningas.
Pinangunahan ng DA-ATI CALABARZON ang nasabing programa, katuwang ang DA-RFO IV-A, DA-PhilRice Los Baños, DA-AMIA, NIA IV-A, at Philippine Information Agency (PIA).
Isinagawa ang seremonya ng pagtatapos sa syudad na ito noong ika-20 ng Oktubre 2023.
Ulat ni: Bb. Janine Cailo