‘Farmer Field School’ sa produksyon ng de-kalidad na palay, inihatid sa lalawigan ng Rizal; 225 na mga magsasaka, nagsipagtapos

Fri, 12/01/2023 - 19:36
FFS GRAD 2023

ANTIPOLO CITY, Rizal – Tumanggap na ng katibayan ng pagtatapos ang 225 na mga magsasakang Rizaleño na nagsanay sa ilalim ng ‘Farmers Field School (FFS) on the Production of High-Quality Inbred Rice & Seeds and Farm Mechanization’ sa Ynares Event Center, Nobyembre 28.

Bagama’t hindi kabilang sa rice-growing provinces na saklaw ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), mapalad ang lalawigan ng Rizal na mahatiran ng nasabing pagsasanay na layong tulungan ang mga magpapalay na makapagprodyus ng de-kalidad na mga binhi at mapataas ang ani ng palay sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

Mula Hulyo hanggang Oktubre, labing-apat (14) na linggong nagsanay sa programa ang mga kalahok na nagmula sa piling mga bayan at lungsod sa Rizal kabilang ang Baras, Binangonan, Morong, Pililla, Jala-jala, at Antipolo City.

Kabilang naman sa mga sa paksang tinalakay sa nabanggit na FFS ang rice morphology and growth stages, PalayCheck System para sa palayang may patubig, tamang pagpupuro ng palay (roguing), farm machinery operation and safety, at ang basic financial literacy.

Samantala, bago ito, isinagawa noong Abril 12 - 21 ang ‘Training of Trainers (ToT) on the Production of High-Quality Inbred Rice & Seeds and Farm Mechanization’ para sa mga agricultural extension workers (AEW) at local farmer technicians sa Rizal at Batangas na sila namang naging katuwang sa pagsasanay sa mga magsasaka.

“Kapag na-improve natin ‘yung pagtatanim natin ng palay, nadagdagan ‘yung ani natin at naipon sa bawat season, marami tayong mapapakain na tao. Kikita pa tayo. Mapapagaan pa natin ‘yung pagtatanim natin dahil tinuturuan tayo kung paano i-mechanize [ang pagpapalay] para makatipid, mabawasan ang input,” pagbabahagi ni G. Victorino Merle, magsasaka mula sa Antipolo City, sa kahalagahan ng mga programang pangkasanayan gaya ng FFS.

Dumalo at nagbigay ng mensahe para sa mga nagsipagtapos sina Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON; Dr. Reynaldo Bonita, Panlalawigang Agrikultor ng Rizal; Bb. Emelyn Adaro mula sa Agricultural Program Coordinating Office ng Rizal; G. Hector Robles, Bokal ng Ikalawang Distrito ng Rizal; at. G. Ireneo Pascual, miyembro ng Komite sa Agrikultura ng Sangguniang Bayan ng Morong, Rizal.

Nagpaabot din ng mensahe sa pamamagitan ng pre-recorded video sina Engr. Remelyn R. Recoter, Director IV ng DA-ATI; at Sen. Cynthia A. Villar, Chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food.

Pinangunahan ng DA-ATI CALABARZON ang pagsasagawa ng FFS, sa pamamagitan ng Partnership and Accreditation Services Section (PASS).

Sa kabilang banda, nakatakda namang magtapos sa Disyembre 4 para sa kaparehong FFS ang mga magpapalay sa Balayan, Lian, Ibaan, Rosario, Calatagan, Padre Garcia, Laurel, Nasugbu, at San Juan mula sa lalawigan ng Batangas.

Maaaring i-access ang mga larawan ng ginanap na pagtatapos sa link na ito: https://drive.google.com/drive/folders/14Uk4VZVZibi8VBZR4aP_XRjbBkSx0lp9?usp=sharing

Ulat ni:  G .Archie Linsasagin

article-seo
bad