Digital Farmers Program: Makabagong Teknolohiya sa Pagsasaka Tungo sa Modernisadong Agrikultura “Ang Kwento ng Pagyakap at Patuloy na Pagpapalaganap sa Candelaria, Quezon”

Thursday, March 30, 2023 - 11:42


Ang Digital Farmers Program

dfp ss cover.jpg

Malaking hamon pa rin ang kinakaharap ng sektor ng agrikultura at pangisdaan pagdating sa usaping modernisasyon at industriyalisasyon. Ayon nga sa pananaliksik ng University of the Philippines Los Baños, ang average age ng mga magsasaka ay limampu’t tatlong (53) taon, at tinatayang nasa 70% sa ating mga magsasaka ay hindi nakatapos ng elementarya o high school. Dagdag pa rito, ayon sa pananaliksik ng Philippine Institute for Development Studies, patuloy na nababawasan ng 1.1% ang populasyon ng mga Pilipinong magsasaka kada taon. Bagama’t bumaba ang pangkaraniwang edad ng mga magsasaka mula sa dating limampu’t pitong (57) taong gulang, karamihan pa rin sa kanila ay hindi pamilyar sa paggamit ng teknolohiya na makatutulong upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Upang tugunan ang suliraning ito, sinimulang ipatupad ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON at SMART Communications, Inc. ang Digital Farmers Program o DFP noong 2019. Ito ay may tatlong (3) antas: Beginner (101), Intermediate (102) at Advance (103). Layunin ng programa na turuan ang mga magsasaka ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka sa tulong ng iba’t ibang digital tools at mobile applications tulad ng social media (Facebook, Youtube, Google), agriculture-related applications, (SPIDTECH, Plant Doctor, MOET App, Binhing Palay, AgriDoc App at iba pa), e-commerce platforms (eKadiwa ni Ani at Kita, Shopee, Lazada) at mobile money (Maya).

Sa kabuuan, may siyam (9) na DFP 101 at limang (5) DFP 102 na ang naisagawa sa rehiyon ng CALABARZON. Taong 2022 nang isagawa ang Training of Trainers (TOT) on DFP 101 & 102 para turuan at sanayin ang Agricultural Extension Workers (AEWs) na maging kaagapay sa pagpapatupad ng programa. Matagumpay na nagsipagtapos ang animnapung (60) AEWs mula sa tatlong batches ng TOT ng DFP. Kabilang sina G. Joe Kim Cristal at G. Herwin Gonzales ng Farmers Information and Technology Services (FITS) Center ng bayan ng Candelaria sa lalawigan ng Quezon na nagtapos sa TOT on DFP noong 2022. Bilang AEWs, sila ang magiging instrumento para makapaghatid ng angkop na impormasyon at mas mapaigting ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya para sa modernisadong pamamaraan ng pagsasaka. Sa katunayan, nakapag-rollout na ang FITS Center Candelaria ng DFP 101 at 102 sa kanilang bayan noong 2022 rin. Sampung (10) pares ng magsasaka at kabataan ang nagsanay sa DFP 101 at 102 kasama sina Gng. Ester P. Lantican, Gng. Karen L. Abarquez at Bb. Catheeln Joy S. Rabala.

“Dapat na makasabay ang mga mamamayan at mga kabataan ng Candelaria tungo sa Agricultural Digitalization,” ang hamon ni G. Ramon Nonato Plata, Pambayang Agrikultor, sa mga mamamayan ng Candelaria.

Ang Pagsibol ng Panibagong Bukas at Pagtuklas ni Ester

Simula 1995 hanggang 2009, nagtrabaho si Gng. Ester P. Lantican bilang isang domestic helper sa ibang bansa. Ngunit sa kanyang pag-uwi, pagsasaka ang mithi. Saad ni Ester, “dahil may sakahan yung nanay ko at ako naman ay isang anak din ng farmer, na-engganyo ako sa pagsasaka. Instead na ibenta namin ay kami na lang ang gumawa kasi napansin ko na kailangan din naman namin na magkaroon ng pagkukunan ng pagkain.” Dagdag pa rito, nakapagpatayo na rin siya ng poultry ng itik at may mga alagang native na manok na kanyang pinagkakakitaan para sa araw-araw na gastusin. Bukod dito, hindi na kailangan pang bumili ng bigas na kakainin dahil mismong galing sa tanim ang aanihin.

Sa edad na animnapu’t pito (67), patuloy ang pagtuklas ni Ester ng mga makabagong impormasyon at teknolohiya para mas lalong lumawak ang kaalaman sa pagsasaka. Dumadalo siya sa mga pagsasanay ng Municipal Agriculture Office tulad na lamang ng Farmer Field School. “Enjoy na enjoy ako lalong-lalo na sa panahong ito na madaming trainings. Marami akong natutunan sa makabagong sistema ng pagsasaka,” batid pa niya.

Hanggang dumating ang DFP na hindi siya nag-atubiling sumali. “Nalaman ko ang DFP sa pamamagitan ng LGU. Parang na-challenge ako. Hindi ako nag-dalawang isip na sumali sa DFP dahil gusto ko pang mapalawak ang karunungan ko sa pagsasaka kahit na ako ay isang senior at isang babae,” pagbabahagi ni Ester. Siya ay nakatapos ng DFP 101 at 102 noong 2022. Ang lahat ng kanyang natutunan sa programa ay kanyang ginagamit sa pagsasaka. Ang isa na nga rito ay ang Accuweather kung saan nalalaman niya ang panahon kung kailan maaraw o maulan para sa tamang tiyempo ng pagsasabog-tanim. Natuto rin siya ng tamang pagsusukat ng palayan sa tulong ng GPS Fields Area Measure. Higit pa, nakakapag-post na si Ester ng kanyang produktong itlog gamit ang social media. “Nakatulong ang pagpo-post ng product ko sa social media. Napadali ang pagbebenta at mas marami ang bumibili. Nakikita nila ang mga pino-post kong product,” kwento niya.

Malaking kapakinabangan ang naidulot ng DFP kay Ester pagdating sa usaping pinansyal. Dumami ang kanyang suki at lumawak ang nakakilala sa kanya. Ayon pa kay Ester, mahalaga ang programa upang mamulat ang mga magsasaka sa makabagong pamamaraan sa pagsasaka. “Yung lahat ng natutunan ko sa DFP ay ishine-share ko sa aking ka-magsasaka, maipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng training sa DFP para mapaganda ang ani ng aming palay,” pagwawakas ni Ester.

 

 

Si Karen: Ang Kanyang Misyon at Dedikasyon

Hindi na bago kay Gng. Karen L. Abarquez ang gawi sa pagsasaka dahil isa siyang anak at apo ng magsasaka. Pagkatapos ng kolehiyo, nagtrabaho siya sa bangko at nangibang bansa rin bilang Overseas Filipino Worker. Pagbalik niya at nagkaroon ng sariling pamilya, pagsasaka ang pinagkakaabalahan ni Karen. Sa ngayon, sampung (10) taon na siyang nagsasaka kung saan ang kita rito ay pinagkukunan niya sa mga gastusin sa bahay. Mayroon silang isang (1) ektaryang sakahan ng iba’t ibang mga pananim tulad ng papaya, rambutan, lansones, guyabano, saging at mga gulay na siling labuyo, panigang pechay, talong, kalabasa at sitaw. Tumatak sa isip niya na ang pagsasaka ay pagne-negosyo.

Palagiang nakikipag-ugnayan si Karen sa Municipal Agriculture Office para sa mga pagsasanay na maaari niyang salihan hanggang inalok sa kanya ang DFP. Hindi siya nag dalawang isip na lumahok para sa bagong kaalaman na kanyang matututunan. “Sumali ako sa DFP kasi gusto ko malaman yung mga apps,” banggit niya.

Nakatulong ang programa sa kanyang pagtatanim dahil mas dumami ang nakakilala ng kanyang mga produkto sa pamamagitan ng pag-post sa social media. Ang pinakapaborito niyang gamitin ay ang Canva application na ka-partner na niya sa pagbebenta ng produkto gamit ang smartphone. Aniya, “Dadan-dahan kong binibigyan ng oras kasi ang paggamit, halimbawa yung ads sa paggagawa ng Canva, kailangan may oras talaga kasi ide-design mo siya at iisip ka ng taglines.”

 

Sa ngayon, hindi tumitigil si Karen sa pagtuklas ng mga napapanahon at angkop na impormasyon at teknolohiya upang makaagapay niya sa pagpapayabong ng agrikultura sa bayan ng Candelaria.

Si Cathleen Bilang Bagong Henerasyon na Magsasaka

Bunso sa walong (8) magkakapatid, nakatapos ng kursong Bachelor of Science in Information Technology si Bb. Cathleen Joy Rabala. Bata pa lamang ay namulat na siya sa pagsasaka dahil ang kanyang mga magulang ay nagtatanim. Simula 2016 ay miyembro na ng 4H Club at akibong nakikilahok sa mga aktibidad si Cathleen. Sabi niya, “sumali ako sa 4H Club dahil alam ko na may maitutulong ako sa komunidad at sa ibang tao na pwede nilang pagkakitaan.”

 

Ang pagiging 4H-er ang naging daan upang malaman niya ang tungkol sa DFP at agad siyang nakiisa rito, kasama ang kanyang hipag. Tinuturuan niya ang kanyang hipag upang mas lalo niyang maintindihan ang mga gawain tulad ng agri apps at social media. Ginagamit na nila ang Accuweather kung saan kanilang namo-monitor ang panahon kung kailan pwede magtanim at maiwasan na masira ang mga pananim. Dagdag pa niya, “Canva ang mas gusto gamitin ng aking hipag dahil nage-enjoy siya mag design.” Sa tulong pa ng Maya, hatid ng Smart Communications Inc., napapabilis ang online transaction ng pagbabayad nila.

 

Bilang kabataan, ang mahalagang kontribusyon ni Cathleen ay maturuan at mahikayat ang mga ka-magsasaka na gumamit ng mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka upang maiangat ang antas ng pamumuhay. Dulot ng DFP, nabigyan silang mga kabataan ng pagkakataon na makapag-ambag sa agrikultura sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang kaalaman. “Maraming salamat sa Smart Communications at DA-ATI para sa programang DFP dahil kaming mga kabataan ay kahit papano nakakatulong sa pagsasaka dahil naa-assist namin ang mga senior farmer kung paano gumamit ng iba’t ibang agri apps, social media or e-commerce.”

Sina Ester, Karen at Cathleen ay patunay na yumayakap sa agos ng industriyalisasyon at modernisasyon patungo sa progresibong agrikultura sa bansa. Sila ay nagsisilbing inspirasyon sa pagpapalaganap ng inobasyon sa agrikultura sa Candelaria, Quezon.


Story by: