SAN JUAN, BATANGAS – Bunsod ng umuunlad na produksyon ng talaba sa bayan, Samahan ng Magtatalaba ng San Juan, Batangas ang naging benepisyaryo ng proyektong naglalayong magtatag ng isang technology demonstration site para sa produksyon ng talaba noong Disyembre 15.
Ang nasabing proyekto ay sa ilalim ng Province-led Agriculture and Fisheries Extension System (PAFES) kung saan hangad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor, na makapaglatag ng mga programa at proyekto na makatutulong sa pagpapanatili ng suplay ng mga lamang-katubigan o fishery commodities sa probinsya.
Isa sa mga proyektong ito ang pagpapalakas sa produksyon ng talaba sa pamamagitan ng hanging-in-raft method. Sa kasalukuyan, ang techno demo site ay may kapasidad na 11,000 hanging cultches o pakapitan.
Nakiisa sa isang maikling programa at nagpahayag ng pasasalamat sina Pambayang Administrador Bb. Analyn Macaraig, Pambayang Agrikultor G. Felix Leopango, Konsehal Roland Enriquez, at ang Pangulo ng Samahan G. Jay Coronel.
Nagpahayag ng mensahe ng pagsuporta si DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas. Tinuran niya na ang DA-ATI CALABARZON ay patuloy na magiging kaagapay sa proyektong ito at umaasa sa pag-unlad ng mga magtatalaba sa bayan ng San Juan.
Ulat ni: Bb. Abegail Del Rosario