TIAONG, Quezon – Dumalo at tumanggap ng sertipiko ang 150 na mga kalahok sa araw ng malawakang pagtatapos para sa “Training on Dairy Farm Operation and Management for Cattle” sa Calungsod Integrated Farm.
“Makakaasa kayo na kami sa DA-ATI CALABARZON, maging ang mga ahensyang kabalikat natin ay patuloy ninyong kaagapay sa pagsasagawa ng mga ganitong programa na nakatuon sa pagpapabuti at paghubog ng mga kaalaman at kakayahan sa larangan ng agrikultura at maging sa pangisdaan,” ani DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas sa mga nagsipagtapos sa tatlong araw na pagsasanay para sa pag-aalaga ng gatasang baka.
Bilang integrasyon sa Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), layunin nitong pandayin ang kasanayan sa pag-aalaga ng gatasang baka ng anim (6) na pangkat ng mga magsasaka na nagmula sa iba’t ibang bayan sa CALABARZON.
“Maganda po ang ganitong pagsasanay dahil marami tayong natututunan sa paggagatas ng baka at sana ay magpatuloy pa po ito,” ani G. Kim Carlo Camposano, kabataang kalahok mula sa Lipa City, Batangas.
Pinangunahan ang pagsasanay ng DA-ATI CALABARZON, katuwang ang DA Regional Field Office (RFO) IV-A, National Dairy Authority (NDA) South Luzon, at Philippine Coconut Authority (PCA) IV.
Ulat ni: Archie Linsasagin