Pagpapalakas sa Produksyon ng Gatas, Layon ng Pagsasanay ng ATI CALABARZON para sa mga AEW

Fri, 08/01/2025 - 18:50
Pagpapalakas ng Produksyon ng Gatas

 

Upang tugunan ang direktiba na palakasin ang industriya ng gatas sa Pilipinas at maisulong ang mas mataas na antas ng sariling kakayahan sa produksyon nito, sinanay ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang mga Agricultural Extension Worker (AEW) sa ikalawang pangkat ng Beyond the Bottle: Training on Milk Processing and Posthandling noong Hulyo 28-30.

Bahagi ng pagsasanay ang pagbisita sa DA-Philippine Carabao Center (PCC) sa University of the Philippines Los Baños (UPLB), kung saan nasaksihan ng mga kalahok ang aktwal na proseso ng tamang paggagatas. 

Isinagawa rin ang mga hands-on aktibidad sa laboratoryo, kung saan sinuri ng mga kalahok ang kalidad ng gatas upang higit pang mapalalim ang kaalaman at kasanayan sa milk handling at testing.

Kabilang sa mga paksang tinalakay rito ang pagseguro sa kalidad ng gatas, food safety sa pagpoproseso ng gatas, pagpoproseso ng fresh at chocolate milk, at pagpoproseso ng pastillas at white cheese.

Sa pagtatapos ng programa, nagpaabot ng mensahe si Dr. Jesus Rommel Herrera, Supervising Science Research Specialist ng DA-PCC-UPLB, na nagbigay-diin sa mahalagang papel ng mga AEW sa pagpapalawak ng kaalaman sa dairy value chain. Sinundan ito ng mensahe mula kay Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, kung saan tiniyak niya ang patuloy na suporta ng ahensya sa pagpapaunlad ng industriya ng gatas.

Bunga ang pagsasanay ng matagumpay na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng DA-ATI CALABARZON at DA-PCC-UPLB, na kapwa naglalayong palakasin ang kapasidad ng mga AEW, tungo sa mas epektibong serbisyong pang-agrikultura sa rehiyon.



 

Ulat ni: Archie Linsasagin (Information Officer II / ISS)

 

article-seo
bad