2 Pangkat ng Interns at Mentors ng YIPOA, Sinanay ukol sa Farm Business Planning

Sat, 08/09/2025 - 08:20
YIPOA FBS

 

Isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang “Training on Farm Business Planning” para sa mga interns at mentors ng Batches 2 at 3 ng Youth Internship Program on Organic Agriculture (YIPOA) noong Agosto 4-6, sa Adhika Nature Farm, Majayjay, Laguna.

Layunin ng nasabing pagsasanay na mapalawak ang kaalaman at mapalalim ang kasanayan ng mga kalahok sa pamamahala ng farm business at entrepreneurship, na nakatuon sa prinsipyo at pagsasabuhay ng organikong pagsasaka.

Kabilang sa mga tinalakay ang mga batayang kaalaman sa pagpaplano ng negosyo, pagsusuri ng market demand, at pagpapalago ng enterprise na tumutugon sa sustenableng  agrikultura na nakasasabay sa pagbabago ng panahon. 

Sa naturang pagsasanay, sinimulan ng mga intern ang pagbuo ng kanilang sariling Business/Enterprise Proposal (BEP) at nakinig din sa mga karanasan ng ikalawang pangkat na sa kasalukuyan ay nagpapatupad ng kanilang mga proyekto.  Ang nasabing BEP ay isusumite at ihaharap sa Regional Screening and Selection Committee (RSSC) sa darating na  Oktubre.  

Pinangunahan ng Partnerships and Accreditation Section ng DA-ATI CALABARZON ang pagsasagawa ng tatlong araw na pagsasanay. Samantala, nagsilbing mga tagapagtalakay sina G. Brian Belen, mula sa Marelson Farms, at Gng. Soledad Leal ng DA-ATI CALABARZON. Ibinahagi nila ang kani-kanilang karanasan at kasanayan sa agricultural business enterprise, mula sa pagpaplano, operasyon, hanggang sa pagpapanatili ng mga organikong sakahan bilang isang kumikitang negosyo.

Bilang pagtatapos, personal na nagpaabot ng pagbati si Center Director Dr. Rolando Maningas sa mga intern at kanilang mga mentor. Ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa dedikasyon at aktibong pakikibahagi ng mga kalahok, gayundin sa walang-sawang paggabay ng mga mentor na patuloy na sumusuporta sa paghubog ng mga kabataang agripreneur sa rehiyon.




 

Ulat ni: Soledad Leal (Agriculturist II / PAS)

 

 

article-seo
bad