Doing Business with a Heart: Susi sa Tagumpay ng Yamang Bukid Farm

Monday, July 18, 2022 - 11:32


11

Sa liblib at bulubunduking lugar sa Brgy. Bacungan sa Siyudad ng Puerto Princesa, Palawan matatagpuan ang Yamang Bukid Farm, isa sa mga matatagumpay na Farm at School for Practical Agriculture sa rehiyon ng MIMAROPA. Ang Yamang Bukid ay nagsimula sa Baguio City kung saan ang pangunahing produkto na kanilang binibenta at pinagyayaman ay ang luyang dilaw o turmeric. Dahil sa napagtanto nila ang magandang benepisyo at kita sa turmeric, minabuti nilang palawakin ang naaabot ng kanilang produkto. Dito nagsimula silang makipag-ugnayan sa iba’t-ibang malalaking lungsod sa bansa kung saan may mga malls at supermarket na nakatayo. Isa ang Puerto Princesa City sa Palawan sa nakitaan nila ng magandang lokasyon upang mas lalo pang maisulong at maipakilala ang kanilang produkto sa merkado dahil sa pagiging tourist destination nito. Hindi nga sila nagkamali sapagkat sa loob ng ilang taon lamang ay nakilala nga sa merkado ang kanilang produkto at kinailangan nilang magtayo ng sakahan na nakatuon lamang sa turmeric. Sa Brgy. Bacungan, Puerto Princesa City, maswerteng nakabili sila ng 1.2 ektaryang lupain noong 2017. Sinimulan din nila ang pagtatanim ng turmeric upang mapunan ang kulang na suplay na nagmumula pa sa Baguio.

Nagkakaroon man ng problema, ngunit sa pangkalahatan ay naging maayos naman ang takbo ng Yamang Bukid sa Palawan. Ipinagmamalaki pa nila na ang kaibahan nila sa ibang mga farms ay ang pagkupkop sa mga maliliit na magsasaka at mga dating magtotroso. Anila, isa ito sa mga naisip nilang paraan upang makapagbigay kita sa mga magsasaka gayundin ay makatulong sa pag-iingat ng kalikasan. Mula sa maliit na sakahan, unti-unti itong lumago at nakatulong sa higit kumulang 150 lokal na magsasaka sa komunidad. Mula sa turmeric, pinalawak pa nila ang kanilang serbisyong ibinibigay sa mga tao. Nagsimula na rin silang magtanim ng organikong halamang herbal, ornamental, prutas at gulay. Pinasok na rin nila ang iba pang negosyo na may kinalaman pa rin sa bukid na may adhikaing patuloy na makatulong sa iba’t-ibang sektor ng manggagawa sa lipunan. Isa na dito ang mga katutubo sa kalapit na lugar kung saan pinagmulan ng “Yamang Bukid Farmhouse of Kakanin”.

Mula sa malikhaing isip ng mga empleyadong kababaihan, isang best-seller na produkto ang nabuo na mas kilala sa tawag na “Suman sa Buho”. Ang mga buho na ginagamit sa kakanin na ito ay binibili mula sa mga katutubo sa mas mataas na halaga. Hindi nakapagtatakang nag-uumapaw na biyaya ang balik sa Yamang Bukid Farm dahil na rin sa tulong na naibibigay nito sa komunidad.
Hindi lamang sa kakanin kilala ang Yamang Bukid Farm. Kung ang hanap naman ng mga turista ay farm-to-table experience, nariyan ang Yamang Bukid Extension Farm na naghahain ng masasarap, katakam-takam at masusustansyang pagkain.

Mayroon din silang nakahandang sorpresa sa mga seafood lovers sa kanilang Yamang Dagat Seafood Restaurant na matatagpuan sa Rizal Avenue, Puerto Princesa City. Dito matitikman ang mga sariwang pagkaing-lamang dagat na mayaman sa probinsya.

Ilang hakbang lamang mula sa Yamang Dagat Seafood Restaurant ay matatagpuan naman ang ikatlo sa ipinagmamalaki nilang restaurant ang Balay Bukid Restaurant kung saan ang mga sangkap ng kanilang mga pagkain ay galing mismo sa kanilang bukid.

Para naman sa mga turista na ang hanap ay panandaliang relaxation mula sa toxic city life, nariyan ang “Balay Tuko Garden Inn” kung saan maaaring magpahinga at magnilay-nilay habang ineenjoy ang kalikasan at ang mga masasarap nilang pagkain. Dahil nakita nila ang pagtangkilik sa kanilang produkto at serbisyo, nagtayo din ang Yamang Bukid Farm ng Yamang Dagat Resort na matatagpuan sa tabing dagat sa Narra at Quezon, Palawan. Dito sa dalawang resort na ito ay matitikman pa rin ang nakakaganang pagkain na tatak Yamang Bukid Farm. Sa kanilang adbokasiya na “Doing Business with a Heart” para sa pagpapaunlad ng komunidad na may pagkalinga sa kalikasan, hindi maipagkakaila na maraming organisasyon at mga ahensya ang sa kanila ay nakipagbayanihan at nakipagtulungan upang mas lalo pang maipalaganap at makatulong hindi lamang sa mga magsasaka maging sa iba’t-iba pang sektor ng lipunan. Ilan sa mga ito ay ang Philippine Carabao Center na nagkaloob ng 11 gatasang kalabaw kung saan nakapagsagawa ang Department of Social Welfare at Development (DSWD) at Department of Education (DepEd) Palawan ng malawakang milk feeding program sa probinsya. Sa kasalukuyan, ang Yamang Bukid Farm katuwang ang City Public Employment Service Office, Department of Labor and Employment - Palawan, Asia Development Bank at Government of Canada ay bumuo ng Job Start Philippines Program na may layuning mabawasan ang mga walang trabaho sa siyudad.

Ang Yamang Bukid ay isa ding certified Learning Site for Agriculture (LSA) ng ATI-MIMAROPA kung saan ay nagsisilbi itong modelo na nagpapakita ng mga teknolohiya sa pagsasaka at nakakapag-engganyo sa mga magsasaka na gayahin at pagyamanin ang agrikultura. Sa kalaunan, sila ay naging “agritourism” site ng probinsya dahil sa pinagmamalaki nitong ganda at teknolohiya sa pagsasaka. Dahil na rin sa pagiging isang LSA, na-akredit din sila bilang Farm School ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Kaya naman, iba’t-ibang libreng seminars at pagsasanay na ang isinasagawa sa bukid upang turuan ang mga magsasaka at maipalaganap ang mga kaalaman at teknolohiya sa organikong pagsasaka sa mga taong gustong matuto nito.

“Noong nalaman ko na naghahanap ng trainer ang YB Farm ay agad akong nag-apply. Isa ako sa maswerteng napili ng YB Farm para maging trainer nila. Kung ano ang aking mga natutunan nung ako’y estudyante pa lamang ay siya ring itinuturo ko sa mga estudyanteng nag-aaral ng Organic Agriculture NC II.” Pahayag ni Meriam Corada, Trainer/Dating scholar ng Yamang Bukid Farm.

Subalit tulad din ng iba pang farms at tourist destination, hindi naging madali para sa kanila ang hatid ng pandemya dahil sa umunti ang turista at kita ng bukid na siyang sumusuporta sa kanilang mga manggagawa. Gayunman, dahil sa taglay nilang pagkalinga sa kanila, sa halip na matigil sa pagtatrabaho ang kanilang mga manggagawa ay ginamit nila ang pagkakataon upang mas lalo pa silang makatulong. Hindi lamang sa kanilang mga empleyado, maging sa iba pang pamilya sa probinsya ay naghatid sila ng tulong at ayuda. Marami pa silang pangarap sa kanilang sinimulan subalit sa pagtataguyod ng kanilang bukid at negosyo, ninanais nila na mas maparami pa ang mga mamamayan na nagmamalasakit sa kapwa at kalikasan. Maliban dito, plano din nila na mas itaas pa ang antas ng pagsasaka at palaganapin ang organikong agrikultura hindi lang sa Palawan, maging sa iba pang probinsya. “Pangarap po namin na ma-sustain itong farm at maka tulong di lamang dito sa community, pati mapalawak pa ang pag seserbisyo ng Yamang Bukid dito sa Bacungan, sa Palawan at sa iba pang probinsya”, wika Daniel E. Anjan, Senior Vice President ng Yamang Bukid Farm.

Tunay ngang nagsimula sa SIMPLENG PANGARAP, na unti-unting LUMAWAK hanggang sa naging isang YAMAN. Ito ang kwento at tagumpay ng Yamang Bukid Farm.


Story by: