Ang Taong May Gawa: Tagapagsanay Sa Organikong Pagsasaka

Wednesday, April 13, 2022 - 11:23


aa

Para magtagumpay sa pagsasaka, ang isang epektibong tagapagsanay ay kailangang may sariling sakahan upang papaniwalaan ng iba ang kanyang mga itinuturong pamamaraan at teknolohiya tungkol sa agrikultura.

Ito ang ginagawa ni G. Jay-ar B. Madriaga, Ado kung tawagin ng kanyang mga kakilala. Pinatunayan niya, na ang larangan ng organikong pagsasaka ay kailangan ng sipag, dedikasyon at gawa upang tatangkilikin ng iba.

Walang mahirap sa taong may pangarap

Mula pagkabata ay mulat na sa mga gawaing bukid si Ado. Walang duda na ang kanyang pagkahilig sa pagsasaka ay namana niya sa kanyang mga magulang. Isang farm worker ang kanyang ama na nagtrabaho nuon sa Oriental Mindoro Agriculture Experiment Station samantalang ang kanyang ina ay isang housewife ngunit pagtatanim din kinahihiligan.

Ang pagmamahal sa pagsasaka ang nagtulak kay Ado upang magpursige para magpakadalubhasa sa larangan ng agrikultura. Sa taong 2010, sinimulan niyang hubugin ang kanyang kaalaman nang kumuha siya ng kursong Bachelor of Science in Agriculture sa Mindoro State College of Agriculture and Technology. Aniya, naging pasanin niya ang gastusin sa kolehiyo, lalo’t apat silang magkakapatid na pinag-aaral ng kanilang mga magulang.

Salat man sa buhay, nagsikap si Ado para maabot niya ang kanyang mga pangarap. Dahil isang reserved officer nang Citizen Armed Force Geographical Unit (CAPGU) simula nuong 2008 sa Victoria, Oriental Mindoro, isa siya sa mga nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral nuong 2010. Sabi ni Ado, sa apat na taon, tiniis niya ang lahat ng hirap para lamang makapag-aral sa umaga habang duty sa CAPGU tuwing gabi.

Ginamit ni Ado ang allowance na natatanggap niya sa CAPGU upang tustusan ang kanyang pag-aaral. Pagtatapat niya, habang nag-aaral siya ay nakakatulong na siya sa kanyang mga magulang sa gastusin nila sa bahay gamit ang pera na kanyang nakukuha sa CAPGU. Matapos ang ilang taong pagsusumikap, nakuha niya ang kanyang diploma nuong 2013.

Bilang utang na loob, itinuloy niya ang kanyang tungkulin sa CAPGU hanggang makumpleto niya ang anim na taong serbisyo nuong 2016. “Kapag may gusto ka, gawin mo. Pero, huwag ka lang maghintay, kailangan ay kikilos ka rin. Tulad ng pagsasaka, dapat ipakita mo sa iba na alam mo at kaya mong gawin ang sinasabi mo”, pagbabahagi ni Ado.

Sa lahat ng pagkakataon pagbutihin ang ginagawa

Sa simula’t sapul, naniniwala si Ado na pagsasaka ang magiging propesyon niya. Pero, hindi niya inakala na maging bahagi siya ng Agricultural Training Institute (ATI), isang institusyon na nangangasiwa sa pagsasanay ng mga magsasaka at mangingisda. Aniya, nagsimula ang lahat, ng mag on-the-job training (OJT) siya sa ATI-RTC MiMaRoPa nuong 2012.

Bilang OJT, dinagdagan ni Ado ang kanyang natutunan at sinanay ang kanyang kakayahan sa organikong pagsasaka. Itinalaga siya bilang isa sa mga farm workers, kung saan ang pangunahing responsibilidad niya ay magtanim at pangalagaan ang technology demonstration farm ng ahensya. Dahil sanay sa mga gawaing bukid, mabilis natutunan ni Ado ang konsepto at teknolohiya ng organikong pagsasaka. Dagdag pa dito ang mga kaalaman na nakuha niya sa pagsama at pagdalo sa mga aktwal na pasasanay tungkol sa organikong pagsasaka na pinangungunahan ng nasabing ahensya.

“Pag OJT ka, may pagkakataon na isasama ka sa mga pagsasanay na isinasagawa ng ahensya sa buong MiMaRoPa bilang Training Management Staff at kalahok ng aktibidad. Madami akong nasamahan at nadaluhan na pagsasanay tungkol sa Organic Agriculture at iba pang pagsasanay ng ATI,” masaya niyang sabi.

Dahil nakitaan ng dedikasyon at sipag sa trabaho, matapos siyang makapagtapos sa kolehiyo, tinanggap si Ado bilang Job Order (JO) sa ATI-RTC MiMaRoPa nuong 2014. Bilang kawani ng gobyerno, hindi niya binigo ang ahensya, kung saan mas lalo niyang pinagbuti ang kanyang trabaho. Pinangangalagaan niya ang mga pananim ng opisina, at higit sa lahat, tinuturuan niya sa pagtatanim tungkol sa organikong pamamaraan ang mga walk-in clients na pumupunta dito.
Bukod dito, nagpamalas din si Ado ng kagalingan sa pagtuturo kung saan nagsisilbi siya bilang tagapagsalita sa mga organikong pagsasanay ng ahensya. “Mahirap palalampasin ang ganitong pagkakataon, kung hindi ko isinasapuso ang trabaho ko nuong nag OJT pa ako, siguro wala ako sa ATI ngayon”, pagbabahagi niya.

Kapag may tiyaga, may nilaga

Dalawang taon din na nagtiis si Ado bilang JO sa ATI-RTC MiMaRoPa. Mula 2014 hanggang 2015, kasama sa responsibilidad niya ang pagpapaganda ng hardin ng ahensya, kalakip dito ang pagpapanatili ng kaayusan ng learning site at nursery nito. Sa panahong ito, bukod sa trabaho, naging abala din siya sa pag-aaral para sa kanyang board exam.

Kahit hirap man na pagsabayin ang kanyang trabaho at pag-aaral, nagbunga ito ng magandang resulta, dahil nuong 2015 pumasa siya sa Licensure Exam for Agriculture. Ang pagkakaroon niya ng lisensya bilang isang ganap na Agriculturist, ang nagbukas sa kanya ng malaking oportunidad sa nasabing opisina. Dahil na rin sa taglay niyang kagalingan, nakuha niya ang permanenting posiyon na Agriculturist I nuong 2016.

Kaakibat ng malaking posisyon, ang paglaki din ng responsibilidad na ginagampanan ni Ado sa ahensya na kanyang pinagtatrabahuan. Bilang Agriculturist I na nakatalaga sa Information Services Section, nakaatang sa kanya ang pagagawa ng mga IEC materials o babasahin tungkol sa agrikultura. Siya din ang itinatalagang Regional Focal Point Person ng Organic Agriculture (OA) kung saan tungkulin niyang ipapatupad ang mga pagsasanay at iba pang extension services tungkol sa OA sa rehiyon ng MiMaRoPa.

Hindi lang sa trabaho naging maswerte si Ado, dahil sa taong 2016 ay naging matamis din ang kwento ng kanyang pag-ibig. Nuong ika-8 ng Oktubre, ikinasal siya kay Gng. Reyna G. Madriaga, isang empleyado rin ng ahensya na nakatalaga sa Career Development Management Services Section. Sa ilang taon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa, sa ngayon, nabibiyayaan sila ng dalawang anak.

Hindi nagpatinag si Ado sa mga pagsubok na dumaan sa kanyang buhay, mabigyan lang ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya. Bagamat may mga problema na pinagdadaanan, patuloy niyang pinagseserbisyohan ang mga taong nangangailangan ng kanyang tulong. Bilang kawani ng gobyerno, patuloy niyang pinagbubuti ang kanyang trabaho na walang pag-iimbot.

Kaya sa ika-24 ng Agosto 2020, dahil sa hindi matatawarang galing at katapatan sa trabaho, nakuha niya ang promosyon bilang Agriculturist II ng ahensya. “Kahit pa ang kapalit nito ay maraming trabaho, kakayanin ko para sa aking pamilya at sa mga taong nangangailangan ng aking tulong. Kailangan lang talaga nating maghintay, dahil may magandang biyaya ang Panginoon sa mga taong may tiyaga sa kanilang ginagawa”, sabi ni Ado.

Ang mga itinuturo mo, gawin mo

“Nagdesisyon ako na mag organic farming dahil adbokasiya ko na pangalagaan ang ating daigdig. Sa pamamagitan din nito, masustansya na pagkain ang maipapakain ko sa aking pamilya. Bilang isang trainer, kailangan may sarili kang sakahan, para marami ang mag adopt nang mga itinuturo mo lalo na sa organikong pagsasaka”, pagbabahagi ni Ado.

Nuong May 2016, sinimulang buoin ni Ado ang pangarap niya sa kanyang sakahan. Ang taniman niya na may sukat na 600 square meter na OA integrated farm, ang nagsisilbing demo farm kung saan ang kanyang natutunan sa mga pagsasanay na kanyang nadaluhan at ang mga sariling tuklas niya na pamamaraan tungkol sa organikong pagsasaka ay ginagawa niya dito.

Katuwang ang kanyang asawa, mas lalong pinalalago niya ang kanyang organikong gulayan kung saan makikita dito ang ibat-ibang uri ng gulay tulad ng talong, sitaw, patola, at iba pa. Bukod sa mga gulay, matutunan din ng mga bumibisita sa kanyang sakahan, ang mga teknolohiya tungkol sa organikong pagsasaka. Dahil isang tagapagsanay at ginagawa niya sa kanyang sariling sakahan ang itinuturo niya, hindi naging mahirap sa kanya na kumbinsehin ang ibang magsasaka na sumubok sa organikong pagsasaka.

“Sa organikong pagsasaka, gawin mo kung ano ang sa tingin mo ang tama. Kung sa una ay hindi ka magtatagumpay, huwag kang tumigil hanggang sa maging successful ka. Kapag ikaw ay magtatagumpay sa larangan ng organikong pagsasaka, huwag mong ipagdadamot ang kaalaman mo at sisiguraduhin mong tatangkilikin nila ang mga itinuturo mo”, sabi ni Ado.


Story by: