GUINOBATAN, Albay – “Nagpapasalamat po ako sa DA, ATI at LGU. Importante po ang support ng LGU at mga DA agencies, dahil sa tulong nila may na-develop na Roberto Diesta.” Ito ang nabanggit ni Bert Diesta nang bisitahin ang kanyang sakahan sa Muladbucad Grande, Guinobatan, Albay nina Agricultural Training Institute (ATI) Director Remelyn Recoter at Deputy Director Antonieta Arceo .
“Ito po is a family farm land. Na-develop dahil sa pag-develop sakin ng ATI since 2012 nang ma-create ang 4-H Club Muladbucad Grande.” Sa kanyang sakahan, makikita ang malawak na taniman ng sibuyas talong at palay, gayundin ang babuyan kung saan nag-aalaga sya ng mga patabain at inahing baboy.
Ayon kay Bert, nang dahil sa 4-H Club, nakasali sya sa Youth Empowerment through a Sustainable (YES) Program at Young Filipino Farm Leaders Training Program in Japan (YFFLTPJ) ng ATI. Sa YES Program, nakalikom sya ng kaalaman mula sa iba’t ibang sakahan. “Dun po na-develop ang farm skills ko.”
Dahil naman sa YFFLTPJ, natupad nya ang pangarap na matuto tungkol sa pagsasaka ng ubas (grapes). “Dun ko nakita ang sinasabing modern agriculture, na ang isang farm o rice field, isang tao lang kayang i-manage kahit fives hectares.”
Samantala, kinilala naman ni Director Remelyn Recoter ang halaga ng kontribusyon ni Bert. “Ang istorya mo ay nagbigay ng inspirasyon sa akin at sa buong Agricultural Training Institute. It’s an inspiration for us Extension Workers na ang hinubog mong kabataan ay merong mararating. You recognized the efforts of ATI, of course ng Municipal Coordinator at very supportive Local Government Units. Kasi yun ang sekreto sa mga programa ng national government – ang support ng LGU.”
Sa pagsigasig ni Bert, hindi lang sya ang nakinabang sa kaalaman nya. Nakinabang din ang kanyang kapwa kabataan sa Guinobatan, kung saan dalawa ang nakapasa sa Filipino Young Farmers Internship Program (FYFIP) in Taiwan.
“Nung binalik ako sa ATI, it’s time to pay forward also sa ATI. Hinubog din ako sa ATI for the past 18 years. Hinubog ka rin ng 4-H Club, so ibabalik mo rin sa 4-H Club sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kabataan sa Guinobatan. So congratulations and thank you,” ani Director Recoter kay Bert.
Dumating rin sa pagpupulong si Mayor Paul Chino Garcia ng Guinobatan, at nagpahayag rin sya ng kanyang pasasalamat sa ATI. “Sa tulong po ninyo, lalo na dito sa Muladbucad Grande, sisikat ang Guinobatan at magiging agri tourism destination.”
Bilang mensahe ni Bert sa mga kabataan, sinabi nya na “sana always gawin ninyo ang best ninyo. ‘Pag may opportunity na nawala, ibig sabihin may another opportunity na darating. Always do your best, and make the best better.”
Sa pamumuno ni Center Director Elsa Ani Parot, napuntahan ng National ATI Directorate ang sakahan ni Bert Diesta upang makita mismo nila ang mga proyekto nito. Ang maikling pagpupulong ay bahagi ng dalawang araw na pagbisita ni Director Recoter at Deputy Director Arceo sa rehiyon nitong ika-12 at 13 ng Abril 2023.