Wednesday, October 2, 2024 - 11:54


Thumbnail-Ocbian.jpg

Umpisa

“Pitong taong gulang, nag-aararo na ako.” Ito ang pahayag ni Noe Ocbian, ang may-ari ng Ocbian Nature Farm School, Inc., isa sa mga naunang Learning Site for Agriculture (LSA) sa Bicol. Ang bukirin, matatagpuan sa Purok 1, Monte Carmelo, Castilla, Sorsogon, ay isa rin sa mga kauna-unahang LSA sa ilalim ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).

Ayon kay Noe, galing siya sa pamilya ng mga magsasaka. Gulay ang kanilang pangunahing pananim, at sila’y naging supplier ng gulay para sa lalawigan ng Sorsogon. Ang kanilang kabuhayan ang naghikayat kay Noe na tahakin ang edukasyon sa agrikultura, kung saan nakamit niya ang Bachelor’s Degree sa BS Agriculture Education.

Naging guro si Noe sa isang paaralan, ngunit pagkatapos ng isang taon, nahikayat siyang pumasok sa Philippine National Oil Company, isang korporasyong pag-aari ng gobyerno noon. Nagsimula siya bilang enumerator, naging regular na empleyado, at noong 2012 siya ay nagretiro bilang superbisor.

077e2cce-a5be-433b-937e-4c88ab28a708.jpeg

Pagsisimula Bilang LSA

Kahit nagtatrabaho sa korporasyon, nananatili sa puso ni Noe ang pagsasaka. Bumili siya ng isa’t kalahating ektaryang sakahan, at doon ginugol ang kanyang oras tuwing weekend. “Ako mismo ang nagsasaka sa lupa kaya hindi ako bumibili ng bigas mula noon.”

Nang siya’y nagretiro, nadagdagan ang kanyang sakahan. Nagtayo rin siya ng rice mill at nagtanim ng gulay tulad ng litsugas, petsay, sitaw, at saging, na kanyang pinagkakakitaan. Nakilala ni Noe ang ATI Bicol sa pamamagitan ni Caridad Camba, ang focal person ng Organic Agriculture noong panahon iyon. In-encourage siya ni Gng. Camba na lumahok sa mga pagsasanay ng ATI at kumuha ng Organic Agriculture Production (OAP) National Certification (NC) sa Costales Nature Farm, Majayjay, Laguna.

Pumasa si Noe bilang NC II holder sa OAP ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at pagkatapos ay nakuha rin niya ang Trainers Methodology (TM) I sa nasabing ahensya. Ipinarehistro niya ang kanyang farm sa LGU-Castilla, sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Securities and Exchange Commission (SEC). Ang kanyang farm ay accredited sa TESDA.

Noong 2017, naging LSA ang Ocbian Nature Farm School, Inc. Lumawak na rin ang kanilang lupain at naging tatlong ektarya. Katuwang ang kanyang asawa na si Magdalena, mga anak, at manugang, nag-offer si Noe ng kursong OAP NC II at kalaunan, Agricultural Crops Production NC II.

 

b6f83957-2e4e-4ad4-aa00-af46dee30d1e.jpeg

RCEF Farm School

Pagkatapos ng tatlong taon, hinirang ang Ocbian Nature Farm School, Inc., bilang RCEF Farm School. “Ako ang nagtuturo sa Farmer Field School (FFS). Ang titulo ng aming training ay Production of High-Quality Inbred Rice, Seed Certification, and Farm Mechanization. Lahat ng aspeto ng pagtatanim, itinuro ko,” ani Noe.

Aktibo si Noe sa paghikayat ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang munisipyo, na kailangang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Para matiyak ang kanilang partisipasyon, sinusundo at hinahatid niya mismo ang mga estudyante. “Sa Region 5, ako lang yata ang nag-hatid-sundo sa mga farmer. Gusto kong siguruhin na araw-araw silang uma-attend,” dagdag ni Noe.

Sa kasalukuyan, mahigit 1,000 estudyante na ang nakapagtapos mula sa 42 batches.

ef47f414-2e96-41f4-9b7d-72f5b1a049a8.jpeg

Teknolohiya

Malaking tulong ang mga makinarya sa mga magsasakang nag-aaral sa Ocbian Nature Farm. “Ang pinakamagandang aspeto ng training ay ang paggamit ng mga makinarya. Hindi man ito nagpapataas ng ani, napapabilis nito ang gawain sa sakahan,” sabi ni Noe.

Tinuturuan nila ang mga magsasaka ng paggamit ng rice transplanter, seed sowing machines, tractor, at iba’t ibang post-harvest facilities. Ayon kay Noe, mas mataas na ang ani ng mga nagsanay sa kanilang farm, kaya’t pinanghahawakan niya ang kanyang hamon na, “Kung bumaba ang ani nila sa 80 kaban kada ektarya pagkatapos ng training, babayaran ko ang pagkakaiba. Pero kung tumaas, maghahati kami sa dagdag na ani.”

Sa ngayon, wala pang magsasaka ang tumanggap ng kanyang hamon dahil lahat ng nagtapos sa kanilang programa ay nakakita ng pagtaas sa kanilang ani.

Inobasyon

Isa sa mga ipinagmamalaki ni Noe ay ang kanyang inobasyon sa proseso ng seed sowing na naglalayong gawing mas praktikal, episyente, at abot-kaya ang mga gawain sa sakahan. Kadalasan, ang pag-seed sowing ay isinasagawa sa malalayong lugar at nangangailangan pa ng mga composting material tulad ng carbonized rice hull at compost, na inihahalo sa mga seedling tray. Para kay Noe, hindi ito praktikal at magastos.

Sa halip, gumawa siya ng sariling pamamaraan kung saan ang seed sowing ay isinasagawa mismo sa sakahan, malapit sa taniman. Isang araw bago ang aktwal na pagtatanim, inihahanda ang seedbed at inilalagay dito ang mga seedling trays. Sa mismong araw ng seed sowing, ginagamit ang putik mula sa sakahan bilang panimulang lupa para sa seedling trays.

Upang matiyak na hindi masisira ang mga makinaryang ginagamit, lalo na ang rice transplanter, isinasailalim muna sa screening ang putik. Gumagamit sila ng dalawang klase ng screen—isang malaki at isang maliit—para matanggal ang mga bato at iba pang materyal na maaaring makasira sa makinarya. Pagkatapos masala ang lupa, pinapantay ito sa seedling tray at inihahanda para sa rice seeder, na siyang maglalagay ng mga binhi sa tray.

Malaki ang naitutulong ng inobasyon ni Noe hindi lamang sa pagpapabilis ng gawain kundi pati na rin sa pagtitipid sa gastos sa labor. Ayon kay Noe, kung mano-manong gagawin ang pagtatanim sa isang ektarya ng lupa, aabot ng humigit-kumulang 20 katao ang kailangan para matapos ang trabaho sa loob ng isang araw. Kung susumahin, bawat manggagawa ay binabayaran ng P400.00, kaya’t P8,000.00 ang kabuuang halaga ng labor para sa isang ektarya.

Ngunit sa bagong sistemang ipinatupad ni Noe gamit ang rice transplanter, sapat na ang dalawang tao para tapusin ang pagtatanim sa loob ng isang araw. Bukod sa pagtitipid sa labor cost, makatitipid din sa gasolina dahil hindi na gaanong kakailanganin ang maraming makinarya o tao sa proseso. "Kahit bayaran ko pa ng P500.00 bawat isa ang dalawang taong magtatrabaho, panalo pa rin ako sa gastos," sabi ni Noe.

Malaking tipid ito kumpara sa tradisyonal na paraan, kung saan aabot sa P8,000.00 ang gagastusin sa pagtatanim sa isang ektarya. Sa makabagong paraan ni Noe, hindi lamang natipid ang gastos, kundi napabilis din ang buong proseso. "Panalong-panalo talaga ang mga magsasaka rito," dagdag niya.

Bukod sa RCEF

‘Di na mapipigilan sa pag-unlad ang Ocbian Nature Farm School, Inc. Bukod sa palay at gulay, nag-aalaga na rin sila ng mga hayop gaya ng kambing, baboy, manok, rabbit, at may palaisdaan din. Nagdagdag sila ng mga pasilidad at teknolohiya, at may bago na ring kursong Carpentry NC II at Nata De Coco training.

Pinaigting din nila ang kanilang serbisyo. Patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ibang mga ahensya ng gobyerno katulad ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng Joint Delivery Voucher Program, kung saan sinasanay ang mga high school students sa kursong agrikultura. Bukod dito, nakikipag-ugnayan na rin sila sa iba’t ibang unibersidad sa Bikol tulad ng Sorsogon State University-Castilla Campus at Bicol University-Gubat Campus para sa mga On-the-Job Training and Immersions ng mga studyante. Naghain na rin sila ng aplikasyon upang maging Coconut LSA sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).

Aktibo din sila sa pribadong sektor. Bilang ‘Big Brother’ sa samahan ng mga LSA sa Bicol, patuloy ang kanilang suporta sa mga bagong LSA at farm na nais maging LSA. Ayon kay Noe, ang kanilang misyon ay palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka. “Ito ang magiging legacy namin sa mga magsasaka—ang pagbibigay ng makabagong kaalaman at teknolohiya.”

Kaya tuloy ang paglago. Tuloy sa pagtuturo.

ANG MGA NAGSIPAGTAPOS NG RCEF FARM SCHOOL sa OCBIAN NATURE FARM

c7137b2a-5096-49ca-8375-af3f152d858d.jpeg

Si Salvador Valle, kilala bilang "Bobby" ng Barangay Tumalaytay, Castilla, ay isang magsasaka na nagmula sa lalwigan ng Aurora at naninirahan sa Bicol mula pa noong 1990. Mula pagkabata, natuto na siyang magsaka dahil sa masigasig na pagtuturo ng kanyang ama. Sa edad na pito, nagsimula na siyang magtanim ng palay at mga gulay, at naging bihasa na siya sa pagsasaka sa palayan, gamit ang mga tradisyonal na pamamaraan tulad ng pag-aararo gamit ang kalabaw.

Ang pagsasaka para kay Salvador ay hindi naging madali. Maraming mga pagsubok ang kanyang hinarap, kabilang ang labis na init at ulan, mga peste, at natural na kalamidad gaya ng bagyo. Noon, walang insurance para sa mga magsasaka, kaya't kapag nasalanta ang kanilang ani, madalas ay nagkakautang siya. Sa kabila ng mga hamon, patuloy siyang nagsikap at natuto ng mga makabagong pamamaraan sa pamamagitan ng pagsasanay at mga programa ng pamahalaan tulad ng RCEF.

Naging bahagi siya ng mga pagsasanay sa Ocbian Nature Farm, kung saan natutunan niya ang mga mas epektibong pamamaraan ng pagtatanim ng palay. Kasama rito ang wastong paghahanda ng lupa, tamang paggamit ng abono, pagpapangasiwa ng tubig, at paggamit ng color leaf chart upang masuri ang pangangailangan ng mga halaman. Ayon kay Salvador, malaking tulong ang mga natutunan niya mula sa mga pagsasanay dahil napadali nito ang proseso ng pagsasaka, lumiit ang gastos, at lumaki ang kanilang ani. Dati, umaabot lamang ang kanilang ani ng 60-70 kaban bawat hektarya, ngunit ngayon ay umaabot na ito ng 80-100 kaban, at minsan pa ay higit pa.

Ipinahayag din ni Salvador ang kanyang panawagan sa gobyerno gaya ng pagkakaroon ng farm-to-market roads upang mapababa ang gastos sa transportasyon ng mga ani. Nais din niyang bawasan ang mga rekisito sa pagkuha ng makinarya at fertilizer upang mas maraming magsasaka ang makinabang. Para sa kanya, ang mga magsasaka ay dapat mabigyan ng sapat na suporta upang masiguro ang seguridad sa pagkain ng mga Pilipino.

Bilang isang lider sa kanyang komunidad, patuloy na ibinabahagi ni Salvador ang kanyang mga natutunan sa ibang mga magsasaka, at naninindigan siya na ang mga tamang programa at suporta mula sa pamahalaan ay makapagpapabago sa kalagayan ng agrikultura sa bansa.

713bc143-8c42-41e0-9c3d-ed0b655d7ec7.jpeg

ELMER LAGUTIN

Si Elmer Lagutin, 74 taong gulang, ay taga Tumalaytay, Castilla, Sorsogon. Nagsimula siyang magsaka noong siya ay 17 taong gulang pa lamang. Kabilang sa mga itinatanim niya ay palay, mga pananim gaya ng kamoteng kahoy, saging, at niyog sa upland area.

Bilang magsasaka, maraming pagsubok ang kanyang hinarap. Sa kanyang kabataan, kulang pa ang kaalaman niya sa mas epektibong paraan ng pagsasaka at umaasa lamang siya sa natural na taba ng lupa dahil wala pang mga fertilizer noong panahon na iyon. Bagama't nakakaani, limitado lamang ang ani na kanilang nakukuha kaya’t mahirap ang kalagayan noon.

Si Elmer ay naging bahagi ng RCEF Farm School matapos siyang matawag para mag-attend ng mga training na pinangungunahan ni Sir. Nakapagtapos siya sa Batch 28 noong 2023. Nagsimula rin siyang maging bahagi ng isang organisasyon at dumalo ng mga training sa rehiyon. Sa pamamagitan ng mga natutunan niya sa RCEF, unti-unting lumaki ang kanyang kaalaman sa pagsasaka.

Ang mga natutunan niya mula sa RCEF ay nagdulot ng positibong pagbabago sa kanyang pagsasaka. Dahil sa mga makabagong pamamaraan, tumaas ang kanyang ani. Dati, sa apat na ektarya ng palayan, umaabot lamang sa 250 kaban ang kanyang ani. Ngayon, umaabot na ito ng 350 kaban. Bagaman mataas pa rin ang gastos, tulad ng sa paggamit ng makinarya, nakikita na ni Elmer na mayroong kita sa pagsasaka kumpara dati.

f240ed0f-0935-4a04-8485-966dc3287132.jpeg

LAWRENCE LAGUTIN

Si Lawrence Lagutin, 48 taong gulang, ay mula sa Barangay Tumalaytay, Castilla, Sorsogon. Nagsimula siyang magsaka noong siya ay 12 taong gulang pa lamang, at ginagawa niya ito tuwing bakasyon o araw ng Sabado habang siya ay nag-aaral. Sa kasalukuyan, mayroon siyang 1.5 ektaryang palayan at nagtatanim din ng mga katutubong pananim tulad ng kamoting kahoy.

Isa sa mga hamon na kanyang kinakaharap bilang magsasaka ay ang matinding init, bagyo, at ang pag-atake ng mga peste na nakakaapekto sa kanilang ani. Sumali siya sa pagsasanay sa Ocbian Natutre Farm noong 2024, bilang bahagi ng Batch 38, matapos magkaroon ng oportunidad nang may dumalaw sa kanilang barangay upang maghanap ng mga magsasaka na makikinabang sa pagsasanay na ito. Nagpalista siya upang makakuha ng karagdagang kaalaman sa modernong pagsasaka.

Sa pagsasanaty, natutunan ni Lawrence ang tamang paghahanda sa lupa, pagpili ng magandang binhi, at mga makabagong pamamaraan ng pagtatanim na makakatulong upang tumaas ang kanilang ani. Nagturo rin sila ng mga pamamaraan sa mechanization tulad ng paggamit ng harvester at traktora.

Dahil dito, nagamit niya ang natutunan mula sa training sa kanyang pagsasaka at nakita niya ang malaking tulong nito. Dati, umaabot lamang siya ng 50 kaban sa kanyang ani, ngunit ngayon, nakakuha siya ng 75 kaban at bumaba rin ang kanyang gastusin sa pagsasaka. Dati, gumagastos siya ng 4,000 pesos sa pagpapararo, ngunit ngayon, gumamit siya ng traktora at bumaba ito sa 1,500 pesos.

Isa sa mga napakinabangan ni Lawrence mula sa training ay ang tamang paghahanda ng binhi at pagpapatubo nito. Dati, nagbababad lamang siya ng mga binhi sa sapa, ngunit ngayon, gumagamit na siya ng malinis na drum para masigurong maganda ang tubo ng binhi. Ang variety ng binhi na ginagamit niya ay "222" na galing sa pamahalaan ng Sorsogon, kung saan nakatanggap siya ng 20 kilos bilang tulong mula sa RCEF.

Bilang miyembro ng RSBSA, nakakakuha si Lawrence ng mga benepisyo tulad ng mga binhi at abono mula sa munisipyo. Mayroon ding ilang kagamitan na nakarating sa kanila tulad ng water pump, hand tractor, at tresher.

16f04df5-84f6-4cd7-aaed-41ff2499e3e1.jpeg

RODERICK PAREJA

Si Roderick Pareja ay 50 taong gulang mula sa Uras, Castilla, Sorsogon. Siya ay kabilang sa Batch 20 ng RCEP noong 2022. Bata pa lang, mga edad 12 taong gulang, ay nagsasaka na si Roderick. Sa kasalukuyan, mayroon siyang 5 ektaryang sakahan, na umaasa sa ulan dahil hindi ito irrigated.

Isa sa mga pangunahing hamon na kanyang hinarap ay ang matinding init at ang hirap sa paghahanda ng taniman, lalo na noong kalabaw pa lamang ang gamit at wala pang makinarya tulad ng hand tractor, rotavator, o harvester. Kapag inabot ng ulan ang anihan, nabubulok ang kanilang mga ani. Ngunit, nang dumating ang mga makinarya mula sa RCEP, malaking ginhawa ang kanyang naranasan.

Nakapasok si Roderick sa RCEF Farm School dahil miyembro siya ng RSBSA. Noong una ay nagdalawang-isip pa siyang sumali sa training, ngunit sa huli ay naisip niyang magandang oportunidad ito para matutunan ang mga makabagong diskarte sa pagsasaka. Sa RCEP, natutunan niya ang tamang pagtatanim, pagsunod-sunod ng pag-apply ng pataba, at pag-spray ng mga pestisidyo. Itinuro rin sa kanila na hindi agad mag-spray ng pestisidyo kung hindi pa naman kailangan, lalo na kung hindi pa malala ang pesteng sumasalakay sa palay.

Dahil sa mga natutunan niya mula sa RCEF, mas naging epektibo at madali ang kanyang pagsasaka. Naka-avail siya ng hand tractor at harvester mula sa programa, na nagpadali ng trabaho at nagpapataas ng produksyon. Bago ang training, umaabot lamang siya ng 60 kaban sa bawat ektarya, ngunit ngayon, umaabot na ito sa 80 kaban pataas. Kahit hindi irrigated ang kanyang sakahan, malaking tulong ang mga natutunan niya upang mas mapabuti ang ani.

Malaking ginhawa rin ang naidulot ng makinarya sa gastusin. Dati, ang paghahanda ng lupa at pagtatanim ay napakatagal at magastos, na umaabot sa 50,000 pesos sa bawat ektarya dahil tao pa ang nagtatrabaho. Sa ngayon, sa tulong ng makinarya, ang 10,000 pesos ay sapat na para sa paghahanda at pagtatanim sa isang ektarya, na nagbawas ng malaking halaga sa kanilang gastusin.


Story by: