Pagsasakang Higit Isang Milyon: Salaysay ni Edgar Pesebre

Tuesday, December 14, 2021 - 14:55


edgar2 (1).jpg

Isang ‘pioneer,’ kabilang si Edgar Pesebre sa mga unang empleyado ng kumpanyang sinimulan ng mga Pilipino mula sa multinasyonal na korporasyon.

Sa kanyang pagretiro, ang kanyang 'eskwelahan sa oma' o farm school ay naging pinaka-unang akreditadong Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Farm School sa kanyang probinsya.

Nang natapos ni Edgar ang kursong Business Administraton sa Aquinas University noong 1988, naging bahagi sya ng unang-unang grupo ng mga empleyado sa pinakaunang opisina na itinayo ng Toyota Motor Philippines.

Sa kanyang pagretiro ng taong 2000, sumabak sa pagsasaka si Edgar Pesebre. Nais nyang ipagpatuloy sa Polangui, Albay ang kabuhayang iniwan ng kanyang mga magulang. Sapat na kita ang isa sa mga layunin nya sa pagsasaka.

Paglalarawan nya sa sarili nya, “Anak ng magsasaka, nakapag-trabaho at ngayon mas pinili ko pa rin bumalik sa pagsasaka. Nag-umpisa ako sa pagsasaka noong ako ay bata pa.

“Nasa agriculture ang parents ko. Pinatapos kaming nasa agriculture sila. Wala nang magpapatuloy ng sinimulan ng parents ko. Ayaw kong ipagbili ang sakahang ito, kaya sabi ko babalik ako sa Bicol. Ako na ang nagpatuloy.

“Nag-graduate ako sa accounting. Pinag-aralan ko ang financial side. Pag-retire ko sa dating kompanya ko, ang retirement pay ko, iyon na ang ginamit kong start-up capital.

“Nakita ko, mababa ang produksyon. Inisip ko kung ano ang rason. Unang-unang rason ang irrigation.”

Sarabay

Sa nais nyang maisaayos ang irigasyon, sumali si Edgar sa Irrigators Association (IA) ng Barangay Balangibang kung saan nahalal sya bilang pangulo.

Samantala, nakita rin nyang isa pang dahilan ng mababang ani ang presensya ng mga pesteng insekto. “Ang ginawa ko noon, pumasok ako bilang Local Farmer Technician (LFT) ng DA. Sabi ko, kailangan ng training. Pinagsabay ko ang pagiging LFT at the same time presidente ng IA.”

Ayon sa kanya, “Pinilit kong makakuha ng mga technology. Nandun pa kayo (ang ATI) sa Guinobatan, pumasok ako sa Farmer-Led Extension (FLE). Naging FLE ako noon, at the same time pinag-aralan ko ang full process ng rice production.” Malaking pakinabang ang tulong sa kanya ng Municipal Agriculture Office ng Polangui sa pamamagitan ni Jonel Llagas, Agricultural Technologist.

Dahil dito, nabigyang solusyon ang mga problema ng mga magsasaka sa irigasyon at peste. “In short, tumaas na ang produksyon. Nang tumaas na ang produksyon, nag-problema kami sa marketing. Ang ginawa namin, nag-form kami ng association.”

Dito nabuo ang Farmer Field School (FFS) Palayamanan Farmers Association ng Barangay Balangibang. Nabigyan ang asosasyon ng suporta mula sa DA. “Meron na kaming rice processing center at rice machineries worth 30 million mula sa Department of Agriculture. Dun lang yun sa barangay namin.”

Upang maging mas maayos ang pagkalakal ng palay, kailangan ang sabayang pagkilos, 'sarabay' sa wikang Bikolano. Bumuo ang mga magsasaka ng pederasyon kung saan muling inihalal si Edgar bilang pangulo. “Inilabas namin yun sa barangay, pumunta kami sa lahat na barangay ng Polangui. Kaya na-address namin ang problema sa Polangui, pinag-tulung-tulungan namin – 44 barangays, 86 farmers associations na-federate bilang Polangui Federation of Farmers and Irrigators Association.”

Sertipikasyon

Bukod sa pagtutulungan, nakatulong din ang kaalaman ni Edgar sa pagnenegosyo. “Pinagsama ko ang propesyon ko sa business, sinamahan ko ng passion ko sa agriculture. Nakipag-partner ako sa PhilRice, sa DA. Ako ang nag-conduct ng varietal trials at techno demo.”

Nakatulong ang ATI pagdating sa training ni Edgar, gayundin ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). “Nagkaroon ako ng Learning Site at ngayon ako ay trainer na. Na-elevate na dahil sa RCEF.”

Tanda ng kakayahan ni Edgar bilang magsasaka at lider nang kilalanin sya bilang Outstanding Local Farmer Technician ng Bicol at Gawad Saka awardee sa dalawang pagkakataon.

Nasertipika ng ATI ang ang sakahan ni Edgar bilang Learning Site for Agriculture (LSA). Tinawag nya itong Palayamanayon ni Tiyo Edgar. Bilang LSA, ang sakahan nya ay nagpapakita ng inobasyon, magandang kita, at teknolohiyang maaaring tularan ng mga kapwa magsasaka.

Hango sa konsepto ng palayamanan, ang Palayamanayon ni Tiyo Edgar ay may komplementasyon ng iba’t ibang bahagi ng sakahan. Ang mga basurang materyales mula sa palayan ay napapakinabangan bilang pakain sa itikan, at maging sa gulayan bilang pataba. Gayundin, ang mga basura mula sa paghahayupan at gulayan ay naibabalik bilang pataba sa palayan.

May dalawang ektarya ang sakop ng Palayamanayon ni Tiyo Edgar. Ito ay nagpapakita ng integrated rice-duck farming. Isinagawa ito bilang tugon sa panganib na dulot ng bagyo at tagtuyot, kung saan naapektuhan ang presyo ng palay.

Paliwanag ni Edgar, “Kung mag-fail sa rice, magsu-survive ang ducks. Kasi ‘pag naging mura ang rice, at least may source of feeds. Kung mura ang rice, ang pinaka-produkto ay ang duck eggs. Nandun yung value chain.”

Bukod sa dagdag na produkto, nakakatulong ang sistemang palayamanan upang makatipid sa gastos. “Hindi ako nagpapa-weeding, hindi ako bumibili ng molluscicide. Mga itik ang kumukontrol sa mga kuhol, yung maliliit na damo naapakan nila, kinakain nila. From 21 to 60 days after transplanting, gumagala sila sa palayan. Kaya 20% ang nasi-save ko.”

Sistema

Bagama’t mukhang simple ang teknolohiya, ito’y pinagplanuhan. “Pinag-aralan ko ang capacity sa rice-duck farming. Per hectare, ang capacity lang talaga ay 75-100 heads per hectare. Pero free range yun, wala kang ipapakain sa kanila. Since two hectares ito, dinagdagan ko ang ducks pero nagbigay ako ng supplementary feeds para hindi sila magutom – minsan feeds, minsan waste materials mula sa inani – unfilled grains, immature grains, darak, binlod.

“Along the way, gumagawa ako ng carbonized rice hull para gawing bedding ng ducks upang hindi bumaho ang kanilang kulungan. Yung beddings, pag tinanggal ko, ibabalik ko sa rice farm, nagiging fertilizer. Zero waste, walang wasted material. Napapaikot lahat.”

Nagsimula sa 50 pirasong itik, ngayon sya’y nag-aalaga ng mahigit 300 na itik. “Noong nakaraang Disyembre, nagkaroon tayo ng mga bagyo. Lahat ng mga pananim nasira. Kung wala akong inaalagaang itik, walang napakinabangan sa palayan. Binigay ko sa mga itik ang mga palay na nababad sa tubig. Ang income kinuha ko sa eggs. Ang isang itlog binibili P6.50. Dinagdagan ko ng value, ginawa kong itlog na maalat, naging 10 pesos.

“Ang itlog ay umaabot sa 200 o 250 per day, ginawa kong itlog na maalat, naging P2,500 per day. Sa 30 days, P75,000 ang income. Kung sa palay, ang makukuha ko ay P100,000-P150,000 in one cropping. Nang inani ko at pinakain sa itik, ang P75,000 naging P225,000 sa tatlong buwan. Bagama’t ang major product ko ay palay, naglagay akong ibang commodities para in case of failure, may sasalo.

“Kung naani ko sana yun, ang first commodity ko ay seeds dahil ako’y seed grower. Pag hindi naubos ang seeds, gagawin kong milled rice. Lahat na hindi mabebenta mapupunta sa ducks. Wala akong nasasayang na resources sa agriculture.”

Sigla

Nag-umpisa ang Palayamanayon ni Tiyo Edgar sa isang kubong maliit na kaya ang hanggang 20 tao lamang. Bilang isang ATI-accredited Learning Site, nabigyan ito ng support fund. Dahil dito, hindi na isang kubo kundi isang bulwagan na ang ginagamit para sa mga gawain sa pagsasanay. Maaari nang sabay-sabay magsanay ang 50 katao dito.

Pinakaunang na-akredita ng TESDA ang Palayamanayon ni Tiyo Edgar bilang RCEF Farm School sa lalawigan ng Albay. Nagkaroon sya ng 300 scholars. Katumbas nito ay 2.6 million training support fund at allowances ng mga scholars. “Kung susumahin, more or less 3 million na ang ibinigay ng RCEF bilang training support ng TESDA.”

Bilang Learning Site, binabahagi nya ang mga bagong teknolohiya sa pagpapalay kahit may pandemya. Batid niyang kailangang maipamigay ang kaalaman sa pagpapalay upang matulungan ang mga magsasakang abutin ang aning 5 tonelada bawat ektarya o higit pa.

“Dati, hindi nila pinapansin ang farm machinery kasi hindi nila alam kung paano gamitin. Ang daming farmers na ang kaalaman ay limited. They are practicing traditional methods. Naa-appreciate nila ang mga bagong technology ngayon. Hindi lang farm machineries – pati sa crop establishment, postharvest, water-saving technology, nutrient management.

“Kung noon dati silang traditional farmer, ngayon nakaka-adopt sila sa scientific farming, tumataas na ang ani nila, bumababa ang gastos sa pagpapalay. Nalaman na nila kung ano talaga ang hangarin ng RCEF.”

Suporta

Suliranin ngayon ng maraming magsasaka ang mataas ng gastos sa patrabaho at kakulangan sa manpower. Sa ilalim ng RCEF, nagbigyang pagkakataon ang mga magsasaka na gumamit ng mga makabagong makinarya.

Pahayag ni Edgar, nakita ng mga magsasaka ang bentahe sa paggamit ng makinarya, lalo na ang transplanter. Buko sa napapadali ang mga gawain sa palayan, malaki ang nababawas sa gastos. Halos 10-20% ang natitipid sa paggamit ng harvester dahil sa nabawasan ang pangangailangan sa manggagawa. “Nabibigyan natin ng suporta ang mga magsasaka. Natuto sila, nakakapag-avail sila ng mga machineries sa mas mababang gastos. Gusto na nilang sumubok ng mga makinarya tulad ng transplanter. May technology na silang alam using machineries.”

Dagdag pa nya, kailangang ipagpatuloy ang pamimigay ng binhi, at kung maaari madagdagan pa. “I-package na ang pamimigay ng inputs sa mga magsasasaka, hindi lang binhi. Isama na ang fertilizers, insecticides at pesticides. Umaangal ang mga farmer dahil napakababa ng presyo ng fresh palay, napakataas ng presyo ng mga inputs.”

Serbisyo

Ano nga ba ang batayan nya sa pagpili ng direksyon sa buhay?

Ayon kay Edgar, “Kaya ako nag-venture sa agriculture dahil pangarap kong makakuha ng isang milyon sa isang ektarya. Pinilit kong maglagay ng iba’t ibang commodities and yet hindi ko nararating. Nag-seed production ako, nag-integrated farming system, nag-rice-duck farming.”

Sa huli ay natamasa nya hindi lamang ang masiglang pagsasaka kundi ang kasiyahang dulot ng magandang samahan.

Nais nyang mas marami pang manginabang sa modernong pagsasaka. “Kung ako lang magtuturo, hindi ko yan matatapos. Kung mas madami ang matuturuan, mas madali ang pag-improve ng farmers, farmers associations, cooperatives.”


Story by: