Topnotcher: Si Rafael Pantino ng Virac, Catanduanes

Friday, March 31, 2023 - 14:22


IMG_0040.jpg

Isang magsasaka ng palay si Rafael Pantino, 54 taong gulang at nakatira sa isla ng Catanduanes.

Si Benjie Pantino, panganay na anak ni Rafael at Annabel, ay topnotcher sa 2011 Civil Engineering Examination. Si Annabel ay isang simpleng maybahay.

Bukod sa isang Civil Engineer, may mga anak din silang Accountant at espesyalista sa Information Technology. At susundan pa ng pang-apat nilang anak na nais maging Arkitekto.

Ang pag-aaral ng mga propesyonal na anak ay itinaguyod ng kanilang magulang na isang magsasaka.

Posible.

Totoong nangyari.

Determinasyon

Matatagpuan sa Philippine Eastern seaboard, ang lalawigan ng Catanduanes ay lubhang apektado ng mainit na temperatura at malalakas na bagyong namumuo sa Pacific Ocean. Dahil dito, higit ang hirap at balakid na pinagdadaanan ng mga magsasaka sa lugar.

Ganun pa man, pinapahalagahan ni Rafael ang kanyang gawain. “Pagsasaka talaga, sobrang mahalaga sakin dahil yun talaga ang ikinabubuhay namin, pinagkukunan ng pagkain, at ang extra ay binibenta. Bata pa ako, parte na ako ng pagsasaka.”

Nangungupahan lang ng lupang sinasaka si Rafael, mula noon hanggang ngayon. “Nakikigamit lang po ako. Ako ang gumagastos. Ang ani, apat na parte. Ang tatlong parte sa akin, isang parte sa may-ari. Puro nakikigamit lang ako, ito lang ang lupa namin, ang natitirikan ng bahay, sariling lupa namin.”

Bukod pa rito, walang irigasyon sa lupang sinasaka ni Rafael. Mas mababa ang ani kung sahod-ulan lamang ang pagsasaka, kumpara sa may irigasyon.

“Nagtatanim ako ng mais, kamote, palay, mani. Sa palayan, mahigit isang ektarya din. Tapos yung mataas na porsyon namin, tinataniman ko ng palay, pagkatapos nang magtanim ng palay, mais na ang tinatanim saka kamote. Hindi irrigated, sahod-ulan lang. Bihira lang makapagtanim ng palay dalawang beses sa isang taon. Isang taon, isang beses. 'Pag tapos na sa pagtanim ng palay, sa dagat naman ako maghanap-buhay.”

"Number one problema dito, irrigation talaga. Pagkatapos ng palay, wala nang tubig ang palayan, ginagawa namin crop rotation – mais, kamote, monggo. May susunod naman na aanihin.”

Naipakita ni Rafael na hindi sagabal ang kawalan ng lupang pag-aari upang magtagumpay sa buhay. “Yung pagsasaka talaga napamahal na sakin. Kung walang magsasaka, wala namang mabibiling bigas. Lahat na kinakain, kahit na mayayaman, galing sa magsasaka.

“Sa pagsasaka, mahirap talaga ang buhay, kasi nakabilad sa araw, halos maghapon kang pagod na pagod. Ang bigas, ang palay ay binibenta ko. May bangka rin ako, panghuli ng isda. Pag walang-wala talaga, karpentero rin ako. Kung saan medyo maluwag, kung saan ako kikita, dun ako.”

Gayun pa man, malaking tulong ang pagsasaka sa pamilya Pantino. “Sa loob ng isang taon, hindi ako bumibili ng bigas. Kahit wala akong pambili, may kakainin kami. Walang masarap na ulam, basta may kanin, ayos lang.”

Desisyon

Nakasalalay sa tamang desisyon ang tagumpay.

Marami sa kanilang lugar ang naghahanap-buhay bilang construction worker, ayon kay Rafael. Dahil sa hirap ng gawaing pagsasaka, mabibilang na lamang sa kamay ang mga nagsasaka sa kanilang barangay. “Ang importante sa amin, sabay ang pagtatanim, tulong-tulong. May dumating man na peste, hindi ka mapeperwisyong masyado dahil sabay-sabay, tulong-tulong. Leaf-folder at daga, maya ang perwisyong number one dito.”

Kinikilala nya ang tulong ng pamahalaan upang mapagaan ang trabaho sa sakahan. “Malaki pa rin ang pasasalamat ko sa tulong ng DA, ng LGU kasi meron silang magandang programa sa ngayon na libreng pagpa-araro ng lupa, binhi, abono, at meron pang financial assistance na binibigay sa aming mga magsasaka. Kaya malaki pa rin ang pasasalamat ko sa agriculture, sa DA at sa LGU.

“Hindi kagaya noong panahon ang pagsasaka, talagang kalabaw lang, kayod-kalabaw talaga, mano-mano ang pagtatrabaho. Sa ngayon, medyo maluwag na talaga kasi sa pagtrabaho sa lupa, makinarya na. Sa pag-ani, hindi man harvester ang gagamitin pero meron naman thresher. Nakaluwag-luwag na, hindi kagaya noong panahon na sobrang hirap talaga.

“Meron kaming Barangay Farmers Association at sa fisherfolks, kasama ako. Pag may pa-training ang DA, minsan nga yung Agriculture nagpa-training dyan tungkol sa pagtatanim, nag-aattend ako ng pa-training. Dito sa barangay may taga-Agriculture sa LGU, nagpapa-training sila, nagde-demo kung paano ang pagtanim ng palay, sila Sir Alex (Asuncion).”

Sa mga teknolohiyang itinuturo ng LGU, ang paggamit ng tamang binhi ang isa sa mga unangg isinasagawa, kasabay. “Maganda talaga kapag nakakapili ng binhi.

“Dati nag-organic fertilizer kami. Ngayon may programa ang DA, nabibigyan kami ng abono. Kaya medyo nakaangat-angat konti sa pag-ani ng palay. Kung walang abono, hindi mababawi ang gastos at hirap sa pagpatanim.

“Mahirap talaga, halos dugtong-dugtong ang pangangailangan, ang pinansyal. Tiyaga lang po, sipag at tiyaga. Pangarap kong mapagtapos sa pag-aaral ang mga anak ko. Desisyon talaga. Pagsisikap lang.

“Nagtatanim din ako ng mga gulay – talong, kamatis. Hindi problema ang pagmamarket, may mga sasakyan na, ang kalsada natin sementado na, hindi kagaya noon rough road talaga.

“Ang bagyo dito sa amin, seasonal. Mga buwan ng October, simula na ng bagyo. Tina-timing namin na ang pagtatanim, hindi aabutin ng pagdaan ng bagyo.

“Ang masasabi ko lang sa mga kapwa ko magsasaka, tiyaga lang tayo para makapagtanim. Sa ngayong panahon, karamihang idinadaing ng mga magsasaka, sobrang mahal ng abono. Tsaka ang mga trabahador, yung bayad sa pagpapatrabaho, sa nagsasaka, sobrang taas.”

Ang mga balakid na ito ay nagsilbing hamon para kay Rafael kung saan tumibay ang kanyang mithiin bilang magsasaka. “Sa ngayon, wala nang susunod na henerasyon na pwedeng maggamit ng lupa para magsaka. Maraming nag-aral para sa kursong agriculture, pero nasa opisina. Ang problema, wala nang susunod na henerasyon.”

Inspirasyon

Pinaghalong saya at pagkamangha ang mababanaag sa kanyang mukha habang kinikwento ni Rafael ang mga pinagdaanan sa buhay.

“Sa awa ng Diyos, nakapagpatapos din ako ng tatlong anak, nagtapos ng kolehiyo. Isa na lang ang pinapaaral kong anak. Panganay ko po civil engineering, nag-top 1 noong 2011 sa civil engineering exam. Pangalawa kong anak na babae, tapos na rin ng accountant, board passer naman sya. Ang pangatlo, graduating na sya sa kursong IT. Ang pang-apat, Grade 11 sa ngayon, ang plano nya pag-college ay architecture.”

Kinikilala rin ni Rafael ang halaga ng gawain ng kanyang asawa. “Mas mahirap ang trabaho sa bahay. Mas mahirap ang trabaho ng taong-bahay. Sasabihin nila, tagabahay lang. Mas maraming problema, sakripisyo ang ginagawa ng isang ina sa loob ng isang pamilya.”

Apresasyon naman ang umiiral sa kanyan para sa kanyang mga anak, , “Kahit sila, nagsusumikap silang makapagtapos. Para hindi na nila madanas ang pinagdaanan naming paghihirap. Noong panahon, ang tinitirhan namim, kubo lang. ‘Pag may bagyo, asahan mong wala na. Sa awa ng Panginoon, nakapagawa ng matibay-tibay na bahay, panlaban sa bagyo.”

Sa mga hamon sa buhay, nagtutulungan ang pamilyang Pantino. “Sa ngayon, wala pang asawa. Yung engineer, nang college pa yun, pagdating galing eskwelahan, pupunta yun sakin, tumutulong sya sa palayan. Yung mga sumunod, puro focused na sila sa pag-aaral.”

Marahil, respeto sa bawat isa ang sikreto ng pamilyang Pantino.  “Sa financial, tumutulong na ang mga anak ko. Sa gastos sa pagtatanim, sa kanila na. Parang ganun din, tumutulong din sila sa pagtatanim.”

Ang tulong pinansyal ng kanyang mga anak ay kailangan dahil nangangailangan sya ng mga trabahador sa sakahan.

“Dati partehan lang, yung inani mo, siyempre kaparte ka dun. Ngayon, yung iba binabayaran ko.”

“Sa mga anak ko, talagang hindi na pwedeng asahan na yun ang susunod na gagamit ng mga lupa. Pero kahit ganun, proud pa rin ako sa mga anak ko. Hindi sila naging pasaway sa amin. Wala silang bisyo. Sabi nga, kung ano ang puno, sya ang bunga.”

May kasabihan, kailangang pahalagahan ang pinagmulan upang marating ang paroroonan. Para kay Rafael Pantino at sa kanyang pamilya, ang pagsasaka ay topnotcher na hanapbuhay.


Story by: