MASBATE CITY — Tatlumpong (30) Masbateñong nagsipagtapos ng tatlong araw na Pagsasanay sa Rabbit Raising with Food Processing na ginanap noong nakaraang ika-23 hanggang ika-25 ng Abril, 2024 sa B@ms RestauBar, sa Lungsod ng Masbate.
Dinaluhan ang nasabing pagsasanay ng labinlimang (15) benepisyaryo ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at labinlimang (15) benepisyaryo naman ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) ng Department of Agriculture (DA) at Agricultural Training Institute (ATI).
Sa loob ng tatlong araw, tinuruan sila ng 6-year Practitioner at may-ari ng Cymun & Kyein Backyard Rabbitry na si G. Jayson G. Fabia, kung paano mag-produce, mag-manage, at mag-treat ng mga karaniwang sakit ng mga kuneho. Nagkaroon din sila ng hands-on activity sa paggawa ng kulungan ng mga kuneho na may tamang dimensyon at sapat na espasyo. Kanila ring natutunan kung paano ang tamang pagkatay ng kuneho at paglinis ng mga ito. Sa huling araw, nakasama nila ang Research Assistant ng Food Laboratory ng DA-RFO 5 na si G. Ian Darrell D. Bordon, at kanilang natutunan kung paano iproseso ang Rabbit Meat. Nakagawa sila ng Marinated Rabbit Barbeque, Rabbit Tocino, at Quick Rabbit Ham, habang ang mga buto naman ng kuneho ay ginawang Rabbit Adobo.
May angking sarap at sustansya ang karne ng kuneho. Ayon sa mga eksperto, mas masustansya pa ito kaysa sa mga karne ng manok, baboy, at baka. Sa pagpapatunay ng mga kalahok, kanilang natikman ang mas malinamnam na karne ng kuneho.
Sila ang pioneer batch ng Training on Rabbit Raising with Food Processing sa islang-lalawigan ng Masbate. At sa pagtatapos nila, baon-baon ng bawat isa ang hamon na maibahagi rin sa kani-kanilang asosasyon ang kanilang natutunan sa pagsasanay na ito upang mapaigting ang industriya ng pagkukuneho Para sa Masaganang Bagong Pilipinas.