TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Matagumpay na naisagawa ang pagsasanay na may titulong “Strengthening Small Water Irrigation System Association (SWISA): Training of Trainers on Basic Leadership and Technical Skills for SWISA Officers and AEWs” sa pangunguna ng DA-ATI CALABARZON katuwang ang DA-Bureau of Soils and Water Management (BSWM), na nagsimula noong ika-23 ng Setyembre hanggang ika-27 ng Setyembre, 2024 sa DA-ATI CALABARZON, Brgy. Lapidario, sa lungsod na ito.
Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga kalahok upang maging mga tagapagsanay at tagapagpadaloy ng mga serbisyong pang-ekstensyon na magtuturo din sa mga kasaping magsasaka sa kanilang nasasakupang lugar.
Sa pagsisimula ng pagsasanay, nagbigay ng mensahe ng pagsuporta ang Center Director ng DA-ATI CALABARZON na si Dr. Rolando V. Maningas. Gayundin, nagpaabot ng mensahe ng pagbati at papasalamat sa ahensya at mga kalahok sa kanilang pagtugon sa programa si Engr. Diosdado Manulus, OIC-Chief ng Water Resources Management ng BSWM.
Nagsilbing tagapagtalakay sina G. Dexter Landicho mula sa Lucena City Agriculture Office; Engr. Girlie Turaja, Engr. Karen Sagana, Bb. Cherry Erro, G. Dirk Myron Adel, at G. Eddie Martinez mula naman sa BSWM.
Ang nasabing gawain ay nilalahukan ng mga tekniko, mga miyembro at opisyal ng SWISA mula sa iba’t ibang bayan sa Luzon.
Ginanap naman ang pagtatapos sa Costales Nature Farms, isang National Extension Service Provider (ESP) na matatagpuan sa Brgy. Gagalot, Majayjay, Laguna.
Bilang pangwakas na pananalita, ipinaabot ni Dr. Maningas ang kanyang mensahe ng pagsuporta at pasasalamat sa lahat ng naging bahagi upang maging matagumpay ang nasabing pagsasanay.
Aniya, “Maraming salamat po sa pagsama at pakikiisa sa ating adbokasya na palakasin pa ang ating agrikultura sa bansa. Nawa, tayo ay magpatuloy na mabuhay, bumangon, at yumabong patungo sa Masaganang Agrikultura at Maunlad na Ekonomiya.”
Ulat ni: Mary Grace Leidia