32 Local Farmer Technicians ng CALABARZON, Sinanay ng DA-ATI

Tue, 07/30/2024 - 13:25
32 Local Farmer Technicians ng.jpg

 

 

TRECE MARTIRES CITY - Matagumpay na naisagawa ang pangalawang batch ng Refresher Course for Local Farmer Technicians (LFT) ngayong taon na may titulong “Empowering Local Farmer Technicians (LFTs): Scaling Up with Strategic Rice-Based Farming and Diversification Technologies” sa pangunguna ng Partnership Accreditation Section (PAS) ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI CALABARZON) na nagsimula noong ika-22 ng Hulyo hanggang ika-26 ng Hulyo, 2024 sa DA-ATI CALABARZON, Brgy. Lapidario, sa lungsod na it.  Ito ay nilahukan ng tatlumpu’t dalawang (32) LFT mula sa iba’t ibang bayan sa CALABARZON. 

Sa pagsisimula ng pagsasanay, nagbigay ng mensahe ng pagsuporta ang Center Director ng DA ATI-CALABARZON na si Dr. Rolando V. Maningas.

Katuwang sa pagpapatupad ng pagsasanay ang DA Regional Field Office (RFO) IV-A, Philippine Rice Research Institute-Los Baños (PhilRice-LB), Panlalawigang Agrikultor ng Cavite, Philippine Commission on Women (PCW), Cavite Center for Mental Health, gayundin ang Agrie’s Integrated Natural Farm at Kititay’s Farm na mga Learning Site for Agriculture ng DA-ATI CALABARZON na matatagpuan sa Magdalena, Laguna.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, ibinahagi ng mga piling mga kalahok ang mahahalagang natutunan nila at kanilang pasasalamat. Ani ni Romhel H. Latayan, “Tayong mga LFT ay ginawang tulay, ginawa tayong tulay patungo sa mga farmer kaya pilitin natin ang pagiging tulay natin na mas maging matatag. Dahil sabi nga kanina may kasama tayo at may kakampi tayo (ATI, RFO, LGU, atbp).”

Bilang pangwakas na pananalita, nagbigay ng pagbati at mensahe si Bb. Sherylou C. Alfaro sa mga kalahok. Aniya, “Kami po sa ATI CALABARZON, katuwang ang DA-RFO IV-A at PhilRice ay makakaasa po kayo na hindi kami titigil sa pagbibigay ng pagsasanay at pag-uupdate po sa inyo. Amin din po na panalangin na sana po ay hindi din po kayo tumigil, at huwag magsawa na maging tulay para sa ating mga magsasaka.”

Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa iba't ibang Rice Technology updates at diversification.


Ulat ni Mary Grace Leidia


 

article-seo
bad