Ekstensyonistang mula LGU, SUC at NGA nagtapos sa ETMCD
TRECE MARTIRES CITY, Cavite - “Bilang Extensionist po, totoong malaki ang tulong ng training na ito na ETMCD (Extension and Training Management Capability Development) para sa amin, lalo na po na ito ay malaki din po ang iimprove namin bilang mga indibidwal. Naging extensive po ang training na ito, especially na din na andami po naming natutunan mula dito. Mas lalo pa po namin itong payayabungin at palalaguin, itong aming mga nakuhang aral at skills dito po sa training. Kaya po salamat sa ATI, sa lahat ng nanguna at nag-asikaso upang maging matagumpay ang ETMCD 2023,” ani Maria Shiela Muros ng PhilRice Los Baños.
Nagtapos ang 22 teknikong pang-agrikultural sa pagsasanay na “Extension and Training Management Capability Development (ETMCD) Course for Agricultural Extension Workers (AEWs).”
Ang mga AEWs mula sa mga Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor, Panglungsod na Beterinaryo, Pambayang Agrikultor sa lalawigan ng Batangas, Laguna at Quezon, mga kawani mula sa DA-PhilRice Los Baños, BFAR IV-A, PCA IV at mga katuwang na Kolehiyo at Unibersidad: Southern Luzon State University, Laguna State Polytechnic University at Cavite State University ang sumailalim sa tatlong (3) linggong pagsasanay simula noong ika-13 ng Marso taong 2023.
Ang mga modyul na itinuro sa mga kalahok ay mula sa nabuong Training Curriculum ng mga teknikal na kawani ng DA-ATI CALABARZON sa patnubay ng pamunuan ng ahensya. Kasama sa pagtatalakay ng mga paksa mula sa modyul na nabuo ay ang pagsasagawa ng mga kalahok ng Participatory Rapid Rural Appraisal sa ilang mga piling barangay upang magamit ang kanilang natutunan at masanay sa iba’t ibang pamamaraan nito. Nagkaroon din ng microteaching ang mga kalahok bilang parte ng kanilang kurso na kung saan sila ay nagtalakay ng kanilang mga napiling paksa biglang pagsasanay nila na maging tagapagtalakay ng mga paksa bilang parte din ng kasanayan na makikita sa isang epektibong AEW.
Sa pagtatapos, nagpahatid ng mensahe ng pagbati at paghamon si DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas para sa mga nagsipagtapos na magsisilbing bagong henerasyon ng AEWs na haharap sa mga hamon ng pagbibigay ng serbisyo sa larangan ng ekstensyon sa rehiyon.
Ang pagsasanay ay natapos noong ika 31 ng Marso sa DA-ATI CALABARZON Training Hall, Brgy. Lapidario, sa lungsod na ito.
Ulat ni: Vira Elyssa Jamolin