TAYABAS CITY, Quezon – Isa sa mga pinagtutuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpapalakas ng mga kooperatiba upang mas mapaunlad pa ang produksyong pang-agrikultura. Maraming kapakinabangan sa mga magsasaka ang pagsali sa isang kooperatiba, katulad na lamang ng economies of scale, shared infrastructure, at risk management.
Patuloy na nilalayon ng DA-ATI CALABARZON na mapalawak pa ang kaalaman ng kanilang mga extension partner, Learning Sites for Agriculture (LSAs) at Private Agriculture and Fisheries Extension Service Providers (PAF-ESPs), para sa ikauunlad ng mga ito. Kaya naman inilunsad nito ang Extension Partners' Forum na may temang “United Voluntarily towards Agricultural Development" noong Oktubre 26-27, 2023 sa St. Jude Coop Hotel and Event Center Tayabas City, Quezon.
Ang mga kaalaman at kasanayan na matututunan mula sa taunang aktibidad na ito ay makapanghihikayat sa mga farm owner na bumuo ng isang samahan at potensyal na farmer cooperative.
“Sa pamamagitan ng pagkakaisa at kusang-loob na paglilingkod, magkakaroon tayo ng mas matibay, mas malakas, at mas makulay na agrikultura. Ang ating mga pagsisikap para sa mga magsasaka ay may mas malalim na kahulugan at epekto sa ating mga kasama sa komunidad,” saad ni Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON.
Inimbitahan bilang mga pangunahing tagapagsalita ang Cooperative Development Authority, Soro-soro Ibaba Development Cooperative, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at Philippine Coconut Authority.
Samantala, bago magtapos ang forum, itinalagang pangulo ng Association of CALABARZON Extension Partners (ACEP) si G. Brian A. Belen, farm owner ng Marelson Farm and Education Center.
Ulat ni: Ric Jayson Arreza