Kauna-unahang FFS sa organikong produksyon ng tilapia, inilunsad sa Binangonan, Rizal at Nagcarlan, Laguna

Sun, 05/05/2024 - 11:35
FFS organic Nagcarlan.JPG

 

NAGCARLAN, Laguna – Bilang tugon sa panawagan ng lokal na pamahalaan ukol sa pagpapatupad ng pagsasanay sa pangisdaan, inilunsad ng DA-ATI CALABARZON ang Farmer Field School (FFS) on Organic Inland Aquaculture Production noong ika-2 hanggang ika-3 ng Mayo, 2024. 

Sa pamamagitan ito ng pakikipagtulungan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region IV-A, Office of the Provincial Agriculturist ng Laguna at Rizal, at sa Municipal Agriculture Office ng Binangonan at Nagcarlan.

Nilalayon ng 16-linggong pagsasanay na mahasa ang kaalaman at kasanayan ng mga tilapia grower ukol sa pagpapalaki ng tilapia sa organikong pamamaraan na naayon sa Philippine National Standards. 

Nagbigay ng mensahe si Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, sa mga kalahok sa pamamagitan ng recorded video at ipinahayag niya na buo ang suporta ng tanggapan sa organikong pagsasaka.

Pinasinayaan nina Rizal OIC-Provincial Agriculturist Dr. Reynaldo Bonita; G. Erwin Diestro at G. Brian Sison mula sa BFAR IV-A, ang paglulunsad na isinagawa noong ika-2 ng Mayo sa Brgy. Balatik, Tatala, Binangonan, Rizal. Dinaluhan naman ito ng tilapia growers at mga magsasaka mula sa iba’t ibang barangay ng nasabing bayan.

Samantala, dumalo naman sina Laguna Provincial Agriculturist G. Marlon P. Tobias, at G. Alvin Ardeza at mga kinatawan ng BFAR IV-A sa paglulunsad na isinagawa sa Brgy. Alimbubungan, Nagcarlan, Laguna.

Magtatagal ang nasabing FFS hanggang Agosto 2024. Magsisilbing mga tagapagtalakay ang mga kawani mula sa BFAR at Office of the Provincial Agriculturist ng Rizal at Laguna.

Ulat ni: Soledad A. Leal

 

article-seo
bad