PILA, LAGUNA - Matagumpay na naisagawa ang ikatlong pangkat ng “"Building Stronger Rice Communities: Financial Literacy Training for Farmers”, sa pangunguna ng Partnership Accreditation Section (PAS) ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI CALABARZON) na nagsimula noong ika-2 ng Oktubre hanggang ika-4 ng Oktubre, 2024 sa NIA Regional Office IVA, Brgy. Sta Clara Sur, sa bayang ito. Ito ay nilahukan ng tatlumpung (30) magpapalay mula sa bayan ng Tiaong, Sariaya, Quezon, at Siniloan, Laguna.
Ang aktibidad ay naglalayong pahusayin ang kakayahan ng mga kalahok na gamitin ang kaalaman at kasanayan upang mabisang pamahalaan ang mga pinansyal na yaman o kagalingang pinansyal.
Katuwang sa pagpapatupad ng pagsasanay ang DA Philippine Rice Research Institute - Los Baños (PhilRice-LB), gayundin ang Masaganang Bukid, Javier Integrated Farm at Roqueza Integrated Farm mga Learning Site for Agriculture (LSA) ng DA-ATI CALABARZON.
Nagsilbing tagpagtalakay sina Bb. Tessa Mar Espino mula sa City Agricultural Services Department ng Calamba, G. Francis Cuento, Farmer Cooperator mula sa Masaganang Bukid na isang RCEF Farm School na matatagpuan sa Nagcarlan, Laguna, Bb. Ronalyn Torres mula sa DBP-Southern Luzon Lending Group, at Bb. Amabel Perez mula naman sa Landbank -Laguna Lending Center.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, ipinaabot ni Dr. Rolando Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON ang kanyang pagbati, mensahe ng pagsuporta at pasasalamat sa mga kalahok. Aniya, "Nawa, ang pagsasanay na ito na nakatuon sa Basic Financial Literacy ay maging kapakipakinabang, makadagdag ng bagong kaalaman at kasanayan na magagamit natin sa ating mga gawaing pang-agrikultura at maging sa ating sariling sakahan."