NAGCARLAN, Laguna – Matagumpay na nagsipagtapos bilang mga tagapagsanay sa Digital Agriculture Course (DAC) ang dalawampu’t isang (21) kinatawan ng Learning Sites for Agriculture (LSA) ng DA-ATI CALABARZON, nitong ika-20 ng Abril, 2023, sa Gintong Bukid Farm and Leisure.
Ang mga kalahok ay ang unang pangkat ngayong taon na sumailalim sa pagsasanay bilang trainers ng DAC sa ilalim ng RCEF, isang digital literacy training para sa mga magsasaka sa rehiyon. May tatlong bahagi ang pagsasanay, ang DAC 101, kung saan tinalakay ang mga bahagi ng isang smartphone, pag-konekta sa internet, internet safety basics at ilang basic agriculture applications tulad ng ng Pinoy Rice Knowledge Bank, Rice Crop Manager, PhilRice Text Center at e-Learning for Agriculture and Fisheries at social media marketing.
Ang ikalawang bahagi ng pagsasanay, ang DAC 102 ay binuo ng mga sumusunod na paksa: Advanced Agri Applications (Binhing Palay, e-Damuhan, MOET, LCC, at AgriDOC); Advanced Social Media Marketing (paggawa ng content gamit ang Canva, at pagbuo ng social media marketing plan); e-Commerce platforms na Lazada at Shopee, at Digital Transactions and Online Payment gamit ang Gcash at Maya.
Tumayong mga tagapagtalakay sa nasabing dalawang araw sina Bb. Maridelle G. Jaurigue, Information Officer III/ISS Chief; Bb. Jamila Monette B. Balmeo, Information Officer II; at G. Hans Christopher C. Flores, Agriculturist I.
apos ang dalawang modyul ng DAC, sumailalim ang mga kalahok sa sampung minutong simulation o demo-back session, na sumubok kung paano nila ibabahagi ang kanilang mga paksa sa kanilang mga mag-aaral. Tumayong bahagi ng panel at nagbigay ng mga komento sina Bb. Sherylou C. Alfaro, OIC Training Center Superintendent I/Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON kasama sina Bb. Jamila Balmeo, at G. Hans Flores. Dumalo rin si Bb. Alfaro sa pagtatapos ng mga kalahok at nagpaabot ng kanyang panghuling mensahe.
Ikinagalak ni Dr. Rolando V. Maningas, Training Center Superintendent II/Center Director ng DA-ATI CALABARZON na nagpapatuloy ang aktibong pag-uugnayan ng ahensya sa mga LSAs at Farm Schools na dumalo sa DAC na may layuning ipakilala sa mga magsasaka ang mga makabagong teknolohiya partikular sa pagpapalay. Inaasahan ang mga nagsipagtapos na maituro ang Digital Agriculture Course sa kani-kanilang mga LSA at Farm School sa tulong ng DA-ATI CALABARZON at TESDA.
Ulat ni Michelle Macalagay