KALINGA sa OA, Inilunsad sa Sampaloc, Quezon

Wed, 08/02/2023 - 16:48
KALINGA sa OA, Inilunsad sa Sampaloc, Quezon

 

SAMPALOC, Quezon - Bilang pagsuporta sa programang Enhanced Partnerships Against Hunger and Poverty (EPAHP), inilunsad ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at lokal na pamahalaan ng Sampaloc, Quezon ang KALINGA sa OA o ang KAbabaihang handang LINangin ang GAling sa Organikong Agrikultura noong ika-31 ng Hulyo, 2023.  Nilalayon ng proyektong ito na mapahusay at malinang ang kakayahan at kasanayan ng dalawampu’t limang (25) batang ina gayundin ay mabuo bilang isang organisadong grupo sa pamamatnubay at gabay ng lokal na pamahalaan. 

Bilang panimula sa proyektong ito, nagsagawa ang DA-ATI CALABARZON ng “Seminar Series on Organic-based Vegetable Production Technologies in a Peri-Urban Setting” sa Municipal Conference Hall ng nabanggit na bayan.  Tinalakay nina G. Marc Jevin Barretto at Bb. Sheryl B. Toledo mula sa Office of the Provincial Agriculturist ng Quezon ang tungkol sa Organic Agriculture Principles and Concepts, Organic Vegetable Production, Integrated Diversified Organic Farming System (IDOFS), Organic Concoctions at Pest and Disease Management using Botanical Pesticides.  Nagkaroon din ng pakitang-gawa ukol sa organic concoctions

Pinangunahan ni Bb. Sherylou C. Alfaro, DA-ATI CALABARZON OIC Assistant Center Director, ang pagbibigay ng urban community garden kits na nagkakahalaga ng P100,000.00 sa nasabing grupo.  Gayundin, sa pagtatapos ng seminar, ang bawat isang kalahok ay nakatanggap ng starter kits upang kanilang mapagsimulan ang pagtatanim sa kani-kanilang bakuran.

Nagpahayag naman ng suporta si Kgg. Punong-bayan Noel Angelo T. Devanadera kasama ang mga pinuno at kawani ng Municipal Agriculture Office at Municipal Social Welfare and Development Office ng Sampaloc.  Ang nasabing gawain ay pinamahalaan ng mga kawani mula sa Partnerships and Accreditation Section ng DA-ATI CALABARZON. 

Ulat ni: Soledad E. Leal

 

article-seo
bad