TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Makalipas ang tatlong taon, muling isinagawa ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang Search for Kabataang Organic Agriculture (OA) 2023. Ito ay isang quiz contest na naglalayong maipalaganap ang organikong pagsasaka gayundin ay mahiyakat ang mga kabataan na kumuha ng mga kurso sa Agrikultura. Ang aktibidad ay isinagawa sa Training Hall ng DA-ATI CALABARZON sa siyudad na ito noong ika-14 ng Hulyo, 2023. Ang nasabing patimpalak ay nilahukan ng tatlumpu’t tatlong (33) mga mag-aaral mula sa pitong (7) State Universities and Colleges (SUC) sa rehiyon:
- Batangas State University (BatSU), the National Engineering University - Lobo Campus
- Cavite State University (CvSU)
- Laguna State Polytechnic University (LSPU)
- Philippine Normal University - South Luzon (PNU-SL)
- Polytechnic University of the Philippines (PUP) - Mulanay Campus
- Southern Luzon State University (SLSU)
- University of Rizal System (URS)
Pinangunahan ni DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang paggawad ng sertipiko at medalya ng karangalan sa mga nagwagi. Itinanghal na kampeon si Bb. Melody R. Bolfane mula sa SLSU na nakatanggap ng P10,000.00 cash prize, medal at certificate of recognition. Narito ang tala ng iba pang nagwagi sa nasabing kompetisyon.
2nd place- Mary Grace Landicho, SLSU
3rd place – Angela Clarese Rea, SLSU
4th place – Marielle Laydia, SLSU
5th place – Nathanlie Joseph de Claro, BatSU
6th place – Marie Yzabel Manzano, CvSU
7th place – Raina Joy Borromeo, PNU-SL
8th place – Yna Banila, BatSU
9th place – Cheryl de Imus, PUP - Mulanay Campus
10th place – Baby Erica Tanaotanao, CvSU
Samantala, itinanghal naman na kampeon (school category) ang SLSU, pangalawa ang BatSU-the National Engineering University Lobo Campus at nasa ikatlong pwesto ang CvSU. Ang mga nabanggit na SUCs ay nagkamit ng cash prize at certificate of recognition.
Nakiisa at nagbigay ng mensahe ang Kampeon ng Regional at National Kabataang OA 2019 na si Bb. Joy Tricia Mae P. Corpuz ng PNU-SL na ngayon ay isa ng kawani ng DA - National OA Program.
Nagsilbi namang Arbiters ang mga batikan at eksperto pagdating sa organikong pagsasaka na sina: Bb. Suzette S. Sales, Pangulo ng Samahan ng Organikong Industriya ng Laguna (SOIL), ang kauna-unahang organic certifying body sa ilalim ng Participatory Guarantee System (PGS), at may-ari ng Sweet Nature Farms, isang certified Learning Site for Agriculture ng DA-ATI CALABARZON; RTD Eda F. Dimapalis, Regional OA Focal Person ng DA-Regional Field Office IV-A; at si G. Vicente D. Limsan, Jr., Lead Assessor ng organic certifying bodies sa bansa na nagmula naman sa DA-Bureau of Agriculture and Fisheries Standards.
Si Bb. Bolfane ang magiging kinatawan ng rehiyon ng CALABARZON sa gaganaping National Kabataang OA sa buwan ng Nobyembre.
Ulat ni: Soledad E. Leal