Mag-aaral ng SLSU, itinanghal na kampeon ng Kabataang OA 2024

Wed, 10/09/2024 - 14:24
kabataang OA.JPG

 

LUCBAN, Quezon – Matapos makipagtagisan ng talino sa Organic Agriculture (OA), itinanghal na bagong kampeon ng Kabataang OA si John Carlo J. Viray mula sa Southern Luzon State University (SLSU).

Ang “Search for Kabataang OA” ay isang quiz contest na naglalayong maipalaganap ang organikong pagsasaka at mahiyakat ang mga kabataan na kumuha ng mga kursong kaugnay ng agrikultura.  

Isinagawa ang ika-anim na edisyon ng Kabataang OA sa Engineering Building ng SLSU Main Campus sa bayang ito, nitong ika-30 ng Setyembre – sa pangunguna ng DA-ATI CALABARZON at sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture - Regional Field Office IV-A.

Kaugnay nito, tumanggap si Viray ng 10,000-pisong cash prize, medalya, at sertipiko. Magiging kinatawan din ng CALABARZON si Viray sa gaganaping National Kabataang OA 2024 sa Nobyembre.  

Nilahukan ang aktibidad ng limampu’t limang (55) mag-aaral mula sa pitong State Universities and Colleges (SUCs) sa rehiyon. Kabilang dito ang Batangas State University - The National Engineering University (Lobo Campus), Cavite State University; Laguna State Polytechnic University; Philippine Normal University South Luzon; Polytechnic University of the Philippines Mulanay Campus, Southern Luzon State University, at Polytechnic University of the Philippines Lopez Campus.

Narito naman ang kabuuang tala ng mga nagwagi sa nasabing kompetisyon:

1st – John Carlo J. Viray, SLSU

2nd – Mary Grace Landicho, SLSU

3rd – Cheryl de Imus, PUP Mulanay

4th – Aicel Kris A. Recamora, PUP Mulanay

5th – Erlyn Sabenorio, PUP Mulanay

6th – Sophia Gabrielle Daguinod, CvSU

7th – Justin Cedric Desembrana, SLSU

8th – Angel Mae Balajadia, LSPU

9th – Jenny Faye Hernandez, LSPU

10th – Raina Joy Borromeo, PNU South Luzon

 

Samantala, itinanghal na kampeon para sa school category ang SLSU, pumangalawa ang PUP Mulanay, at nasa ikatlong pwesto ang CvSU.  Nagkamit din ang nasabing mga pamantasan ng cash prize at sertipiko.  

Pinangunahan ni Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang paggagawad ng sertipiko at medalya ng karangal sa mga nagwagi.

Nagbigay naman ng mensahe ang kampeon ng Regional Kabataang OA 2023 na si Melody R. Bolfane na nagkamit din ng ika-limang pwesto sa National Kabataang OA noong nakaraang taon.    

Nagsilbing mga arbiter ang mga eksperto pagdating sa organikong pagsasaka na sina G. Brian A. Belen mula sa Marelson Farms; G. Reden Mark F. Costales mula sa Costales Nature Farms; at G. Jun D. Villarante mula naman sa Regulatory Division ng Agriculture – RFO IV-A.

Kasama rin sa mga nagbigay ng suporta sa nasabing quiz bee sina G. Marianito E. Mendoza, Jr., G. Arnaldo P. Gonzales, G. Aries Labonera, at Bb. Lielani Galanido mula rin sa DA-RFO IV-A.


Ulat ni: Soledad A. Leal

 

 

article-seo
bad