Mga potensyal na pinuno sa CALABARZON, sinanay!

Sat, 03/30/2024 - 09:42
Mga potensyal na pinuno sa CALABARZONsinanay

TRECE MARTIRES CITY, CAVITE – “Being a leader is difficult, but you can always improve. Asahan n’yo po na ibabahagi ko ang mga natutunan sa pagsasanay na ito,” ani Dr. Milcah I. Valente mula sa Office of the Provincial Veterinarian ng Quezon sa kanyang impresyon.

Isinagawa ng DA-ATI CALABARZON sa pangunguna ng Planning Monitoring and Evaluation Unit (PMEU) ang “Honing Future Leaders: Leadership Skills Training for New Breed of Agricultural and Fishery Extension Workers” na dinaluhan ng mga teknikong pang-agrikultura at pangisdaan mula sa rehiyon. Ang pagsasanay ay naglalayon na madagdagan at mas mapalawak ang kaalaman ng mga kalahok patungkol sa leadership o pamumuno.

Ilan sa mga naging paksa sa pagsasanay ay ang paglalahad ng konsepto, mga estratehiya at iba’t ibang klase ng pamumuno tulad ng situational at transformational leadership na makakatutulong sa mga kalahok upang mahubog ang kanilang leadership skills sa kanilang mga ahensya at organisasyon.

Nagsilbing mga tagapagtalakay sina Bb. Abegail L. Del Rosario, Planning Officer II; at Bb. Janine L. Cailo, Information Officer II ng DA-ATI CALABARZON gayundin sina Bb. Mariel Celeste C. Dayanghirang at Bb. Marites Piamonte-Cosico bilang mga eksperto sa mga paksa.

Samantala, sa pagtatapos nagpaabot ng mensahe ng pasasalamat si DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas, tinuran niya na siya ay umaasa na ang pagsasanay na ito ay maging simula ng patuloy na paghasa ng kasanayan sa pamumuno ng bawat isa.

Naganap ang pagsasanay noong ika-20 hanggang 22 ng Marso taong pangkasalukuyan sa DA-CALABARZON Training Hall Brgy. Lapidario, Trece Martires City, Cavite.

Ulat ni: Bb. Juvelyn V. Dela Cruz

 

article-seo
bad