Pagpapalakas sa organikong pagsasaka, layon ng pagsasanay sa PGS sa Laguna

Tue, 03/26/2024 - 20:59
PGS laguna

 

NAGCARLAN, Laguna – Upang mas palakasin ang organikong pagsasaka, isinagawa ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) Regional Training Center CALABARZON, sa pakikipagtulungan sa DA-Regional Field Office (RFO) IV-A, ang pagsasanay na “Fostering Empowerment: A PGS Certification Initiative for Farmers,” mula ika-11 hanggang ika-22 ng Marso, 2024, sa Gintong Bukid Farm & Leisure sa Brgy. Buboy, Nagcarlan, Laguna. 

Nilahukan ang pagsasanay ng mga aktibong kasapi ng Majayjay Organic Farmers Association (MOFA) at mga agricultural extension worker (AEW) mula sa Majayjay at Calamba City sa Laguna. 

Ang Participatory Guarantee System (PGS) ay isang pamamaraan kung saan sinesertipikahan at kinikilala ang maliliit na magsasaka o mangingisda, kooperatiba, at mga samahan bilang mga aktibong nakikibahagi sa organikong pagsasaka.

Samantalang isa ang Gintong Bukid Farm & Leisure sa mga certified farm sa ilalim ng PGS; at ang nagmamay-ari nito na si Gng. Lourdes Arcasetas naman ay isa sa mga bumubuo sa Core PGS Group ng Samahan ng Organikong Industriya ng Laguna (SOIL). 

Nagpahayag ng suporta sina DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas at Laguna Provincial Agriculturist G. Marlon P. Tobias sa grupo at umaasa rin sila na magpapalaganap din ang grupo ng organikong pagsasaka sa kanilang mga bayan. 

Ang 10-araw na pagsasanay ay pinangunahan ng mga kawani mula sa Partnerships and Accreditation Section (PAS) ng DA-ATI CALABARZON. 

Nagsilbing mga tagapagatalakay sina G. Marianito E. Mendoza, Jr., G. Jun Villarante, Bb. Leilanie L. Galanido, at G. Arnaldo P. Gonzales mula sa DA-RFO IV-A; at Bb. Soledad E. Leal mula naman sa DA-ATI CALABARZON.

Nagkaroon ng participatory-lecture discussion, workshop, at farm inspection o peer review sa lengguwahe ng PGS ang mga nasabing kalahok sa Adhika Nature Farm at Troy Integrated Farm na dalawa sa mga farm na bubuo sa PGS Core Group ng nasabing samahan. 

Sa kabilang banda, pinangunahan ni OIC-Asst. Center Director Bb. Sherylou C. Alfaro ang pangwakas na programa kung saan malugod niyang binati ang mga nagsipagtapos ng pagsasanay.

Nagpahayag din ng suporta si Sen. Cynthia A. Villar, Chairperson ng Committee on Agriculture and Food, sa mga kahalok; gayundin si G. Zoilo Ama, Jr., ang Municipal Agriculturist ng Majayjay, Laguna sa pamamagitan ni G. Ronaldo Eliseo. 

Sa mga susunod namang buwan, itutuloy na ng nasabing samahan ang pagsasapinal ng kanilang Manual of Operations at ang paghahanda para sa pre-inspection na isasagawa ng Regional Pre-Assessment Team (RPAT) ng DA-RFO IV-A.

 

Ulat ni: Bb. Soledad A. Leal

 

article-seo
bad