PILA, Laguna - Dalawampu’t limang (25) mga kalahok na magsasaka/magniniyog ang nagsipagtapos sa tatlong araw na pagsasanay ng "Training on Dairy Farm Operation and Management (Cattle).” Pinangunahan ng DA-ATI CALABARZON, katuwang ang National Dairy Authority (NDA) South Luzon at Philippine Coconut Authority (PCA) IV, ang naturang pagsasanay sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).
Nagsilbing mga tagapagtalakay ang mga tekniko mula sa NDA, samantalang naging lugar-sanayan para sa demonstrasyon ng gatasang baka ang isa sa mga certified Learning Site for Agriculture na Roqueza Integrated Farm sa nasabing bayan.
Naging pokus ng pagsasanay ang mga paksa sa kabuuang pag-aalaga ng gatasang baka mula sa pagpapakain, pagpapastol, pabahay, hanggang sa pagbubuntis. Binigyan diin din sa tatlong araw ang oportunidad sa pag-aalaga ng gatasang baka kasabay sa pag-niniyog.
Nagbigay ng mensahe si Center Director Dr. Rolando V. Maningas sa mga kalahok at hinikayat sila na paunlarin ang industriya ng gatasang baka sa ilalim ng niyugan.
Isinagawa ang pagsasanay mula ika-25 hanggang 27 ng Oktubre 2023.
Ulat ni : Ms. Janine Cailo