NAGCARLAN, Laguna - Ang Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) Regional Training Center CALABARZON sa pakikipagtulungan sa DA – Regional Field Office (RFO) IV-A ay nagsagawa ng “Training on Membership Expansion and Strengthening: Capability Building on Organizational Management and Farm Business Operation” sa Gintong Bukid Farm & Leisure, Nagcarlan, Laguna noong ika-14 hanggang ika-18 ng Agosto, 2023. Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kakayahan ng mga bago at potensyal na miyembro ng Samahan ng Organikong Industriya ng Laguna (SOIL) Participatory Guarantee System (PGS) Group sa operasyon ng PGS na akma sa pamantayan ng organikong pagsasaka at sa mga kaugnay na teknikal na regulasyon. Ang nasabing pagsasanay ay nilahukan ng dalawampu’t tatlong (23) indibidwal mula sa iba’t ibang farms sa lalawigan ng Laguna.
Pinangunahan nina Dr. Rolando V. Maningas, Center Director, at Bb. Sherylou C. Alfaro, OIC Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang pagbubukas ng programa. Dumalo si Kgg. Zamzamin L. Ampatuan, Undersecretary for Special Concerns at Alternate Chair ng National Organic Agriculture Board (NOAB), at nagbigay ng mensahe sa mga kalahok. Naglaan din siya ng oras upang pakinggan at tugunan ang mga katanungan ng mga kalahok ukol sa organikong pagsasaka. Nakiisa rin sina Bb. Eda F. Dimapilis, Regional OA Focal Person mula sa DA-RFO IV-A, at G. Marlon P. Tobias, Provincial Agriculturist ng Laguna. Nagpaabot naman ng mensahe ng pagsuporta sa programa si Kgg. Cynthia A. Villar, Chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food.
Nagsilbing mga tagapagtalakay ang mga miyembro ng SOIL PGS Group na sina Bb. Suzette Sales mula sa Sweet Nature Farms; G. Reden F. Costales mula sa Costales Nature Farms; Bb. Marijane Ison mula sa Coco-A-Vanilla Farm; at Bb. Andrea Karina Alforte ng ARTFARM Sustainable Solution. Kasama ring nagtalakay sina Bb. Crissel A. Tenolete at G. Arnaldo P. Gonzales mula sa OA Program, G. Marianito Mendoza, Jr. at G. Jun Villarante mula sa Regulatory Division ng DA-RFO IV-A.
Bahagi ng nasabing pagsasanay ang pagsasagawa ng aktwal na inspection o peer review sa lengwahe ng PGS na isinagawa sa Sarate Agricultural Farm sa San Pablo City, Laguna. Nagsilbing peer reviewers ang mga kalahok at nagbigay rin sila ng mga rekomendasyon sa may-ari ng farm upang makasunod sa hinihingi ng pamantayan sa organikong pagsasaka.
Sa pagtatapos, nagbigay ng impresyon sina G. Procy Sarate, Jr. mula sa Sarate Agricultural Farm, Bb. Kathleen del Rosario mula sa Nylove Integrated Farm at Bb. Rosalina Brown mula naman sa Sylver Farm.
Samantala, nagpasalamat si Bb. Suzette S. Sales sa DA-ATI CALABARZON at DA-RFO IV-A sa pagkakaloob ng nasabing pagsasanay para sa mga bago at potensyal na miyembro ng SOIL PGS Group.
Bilang kinatawan ni Dr. Maningas, nagpahayag ng pasasalamat si Bb. Janine L. Cailo, OIC Chief ng Partnerships and Accreditation Section, sa mga kalahok, tagapagtalakay at sa SOIL PGS Group sa isinagawang pagsasanay sa loob ng limang (5) araw.
Ulat ni Sole E. Leal