CANDELARIA, Quezon – Binigyang-diin ng “Training on Feeding, Pasture Management, and Utilization for CFIDP Beneficiaries of Coconut-Dairy Integration” ang epektibong pamamaraan at pagpapakain sa mga gatasang baka para sa mga kalahok mula sa MARBENCO, isang kooperatibang binubuo ng mga magniniyog sa bayan ng Sariaya, Quezon.
Ang tatlong araw na pagsasanay ay pinangunahan ng DA- Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, katuwang ang National Dairy Authority (NDA) South Luzon.
Nagsilbi namang tagapagtalakay si G. Harry Salubayba, Project Development Officer III mula rin sa NDA South Luzon kung saan kanyang ibinahagi ang pagkilatis at paghahanda ng tamang pakain at mga pamamaraan sa epektibong pagpapagatas sa kanilang mga alagang gatasang baka.
Nagkaroon ng pagkakataong bumisita ang mga kasapi ng MARBENCO sa Roqueza's Integrated Farm sa Pila, Laguna at sa Sta. Maria Dairy Farm Trainings and Tours Inc. sa Lipa City, Batangas. Ito ay bahagi ng kanilang hands-on demonstration at benchmarking activity.
Nagtapos ang mga kalahok baon ang mga bagong kaalaman sa animal nutrition, paggawa ng silage, UMMB, at marami pang iba sa tulong ng mga naging tagapagtalakay na sina G. Salubayba; G. John Davis Tomas Garcia, Farm Manager ng Roqueza's Integrated Farm; at G. Larry Esperanza, OIC-Assistant Manager mula sa NDA South Luzon.
Nabatid din nila ang kwento ng Sta. Maria Dairy Farm Training and Tours Inc. mula sa Pangulo nitong si G. Joey Tapay.
Nagpaabot naman ng suporta ang Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV sa mga nagsipagtapos sa katauhan ni G. Ramonchito Castillo, Senior Agriculturist mula sa PCA Region IV Quezon I.
Hinikayat naman ni Bb. Vira Elyssa Jamolin, Training Specialist III/CDMS Chief ng DA-ATI CALABARZON, ang mga kasapi ng samahan na mas maging aktibo at ipagpatuloy ang pagsasanay upang maiangat ang produksyon ng kanilang mga gatasang baka.
Ulat ni: Bb. Janine Cailo