Mga Magsasaka ng Sto. Tomas City at Tanauan City sa Batangas, Nagsanay ukol sa Participatory Guarantee System

Fri, 06/09/2023 - 14:58
Nagsanay ukol sa Participatory Guarantee System

 

STO. TOMAS CITY, Batangas - Isinagawa ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) Regional Training Center CALABARZON ang Training of Trainers (TOT) on Participatory Guarantee System (PGS) sa pakikipagtulungan sa DA - Regional Field Office (RFO) IV-A mula ika-29 ng Mayo, 2023 hanggang ika-9 ng Hunyo, 2023 sa General Malvar Museum, Sto. Tomas City, Batangas. Dumalo sa pagsasanay ang dalawampung (20) kalahok mula sa Sto. Tomas City at Tanauan City, Batangas na kinabibilangan ng mga magsasakang bubuo ng PGS Core Group, mga kinatawan mula sa Office of the Municipal Agriculturist at DA-RFO IV-A.

Sa loob ng sampung (10) araw na pagsasanay, nagsilbing mga tagapagtalakay sina G. Arnaldo P. Gonzales, G. Jun Villarante, G. Marianito Mendoza, Jr., at Bb. Crissel A. Tenolete mula sa DA RFO IV-A, kasama si Bb. Soledad E. Leal ng DA-ATI CALABARZON. Nagkaroon ng mga talakayan, palitan ng karanasan, kuro-kuro at mga workshop upang mabuo ang Manual of Operations ng nabanggit na grupo.

Biinigyang-diin sa pagsasanay ang aktwal na inspeksyon na tinatawag na "Peer Review" sa lenggwaheng PGS na isinagawa sa mga taniman ng mga kalahok mula sa nasabing mga siyudad. Nagkaroon din ng pagkakataon na maipakita ang kanilang natutuhan sa mga nakaraang araw at bigyang-pansin ang mga tamang gawain ng isang peer reviewer, pati na rin ang mga kinakailangang sundin na nakasaad sa Philippine National Standards on Organic Agriculture (OA) at iba pang teknikal na regulasyon.

Samantala, nagpadala ng mensahe ng pagsuporta si Kgg. Senador Cynthia A. Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food at pangunahing may-akda ng Republic Act 11511, ang batas na nag-amyenda sa OA Act of 2010 o ang Republic Act 10068.

Pinangunahan ni Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang pagtatapos ng mga kalahok. Aniya, "Sapat na sa amin na maibahagi rin ninyo sa ibang organic practitioners ang anumang kaalaman na nakuha ninyo sa programang ito. Kami sa DA-ATI CALABARZON ay kasama ninyo sa patuloy na pagsusulong ng organikong pagsasaka hindi lamang sa aming rehiyon kundi maging sa buong bansa upang magkaroon ng ligtas at abot-kayang pagkain para sa bawat Pilipino."

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga kalahok sa pamamagitan ng mga impresyon na inilahad nina G. Kenneth Atanacio at G. Joseph Villegas mula sa hanay ng mga taga Sto. Tomas City at G. Joel Sayo mula naman sa Tanauan City.  Sa pamamagitan din ng pagsasanay ay nagsanib pwersa ang dalawang bayan para sa pagbuo ng sarili nilang PGS Group na tatawaging Sto. Tomas-Tanauan PGS Group. 

Layunin ng TOT on PGS na mahasa ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok ukol sa pagtatatag at operasyon ng PGS na naaayon sa pambansang pamantayan ng organikong pagsasaka.  Ang mga kawani mula sa Partnerships and Accreditation Section (PAS) ng DA-ATI CALABARZON ang namahala sa nasabing pagsasanay.

Ulat ni: Soledad E. Leal

 

article-seo
bad