CHINA - Bilang pagkilala sa kontribusyon ng Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs), isinagawa sa Wuxi City, Jiangsu Province, China ang “Seminar on the Development of Farmers' Cooperative for the Philippines” noong ika-12 ng Hulyo hanggang ika-1 ng Agosto, 2023. Bilang kinatawan ng CALABARZON, aktibong lumahok sa nasabing aktibidad sina G. Ric Jason Arreza, Development Management Officer I ng DA-ATI CALABARZON, at Bb. Maria Carmela Toreja, Learning Site for Agriculture (LSA) Owner/Farmers' Cooperative Board of Director. Layunin ng pagsasanay na magkaroon ng malawak na kaalaman ang mga kalahok sa pagbuo at pagpapatakbo ng mga kooperatiba para sa mga magsasaka, gayundin ay magkaroon ng palitan ng kaalaman at karanasan sa enterprise operation at cooperative development. Binigyan din ng pansin ang mga polisiya at istratehiya upang maging matagumpay ang Agricultural Value Chain ng China.
"Mas lalo kong nakita ang kahalagahan ng pagsasama-sama at ng kooperatiba. Sabi nga roon sa isa naming pinuntahan, "to take the risk together, to share the profit together". Bilang isang LSA, ang mga bagong kaalaman at istratehiya na ibinahagi sa amin ay dadalhin ko sa aming komunidad. Maraming salamat DA-ATI CALABARZON para sa oportunidad na ito. I will be forever grateful," ani Bb. Toreja.
Ang pagsasanay ay pinondohan ng Ministry of Commerce of the People's Republic of China at inorganisa ng Freshwater Fisheries Research Center (FFRC).
Ulat ni: Ric Jason T. Arreza