Pagkakaisa at husay sa palakasan, binigyang-diin sa 2025 ATI Luzon Cluster B Sportsfest; ATI CALABARZON, nag-uwi ng mga parangal

Tue, 02/18/2025 - 13:13
Sposrtfest.JPG

PILI, Camarines Sur – Sa ikalawang taon ng Agricultural Training Institute (ATI) Luzon Cluster B Sportsfest, ipinamalas ng apat na Regional Training Centers (RTCs) mula sa Timog Luzon ang kanilang galing at husay sa iba’t ibang larangan—mula sa paligsahang pisikal at intelektwal na paligsahan hanggang sa pagpapamalas ng talento sa sa musika at pagsayaw.

Ang taunang aktibidad na ito ay binibigyang-diin ang pagsusulong ng aktibong pangangatawan at kalusugan ng isip nga mga kawani ng ahensya, gayundin ang pagpapalakas ng samahan ng bawat isa.

Pinangunahan ng ATI Bicol ang nasabing gawain bilang noong Pebrero 12-24, 2025, sa Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA).

Aktibong lumahok ang mga kawani ng ATI International Training Center on Pig Husbandry (ITCPH), ATI Bicol, ATI MIMAROPA, at ATI CALABARZON. Sa pagbubukas ng kompetisyon, malugod na tinanggap ng ATI Bicol Center Director Elsa Parot ang mga kalahok, kasama ang tatlo pang Center Directors na sina Dr. Rolando V. Maningas (CALABARZON), Dr. Ruth S. Miclat-Senaco (ITCPH), at G. Pat Andrew B. Barrientos (MIMAROPA). Pormal na sinimulan ang kompetisyon sa pamamagitan ng torch lighting at banner raising ng mga direktor bilang hudyat ng pagsisimula ng mga paligsahan.

Sa unang araw, ginanap ang Search for Mr. and Ms. Sportsfest 2025, kung saan hindi lamang kagandahan at kakisigan ang batayan kundi pati na rin ang talino, kumpiyansa, at sportsmanship.Nanaig bilang Mr. Sportfest si G. John Patrick Ladines ng ATI CALABARZON at Bb. Jaycel E. Bihis ng ATI ITCPH bilang Ms. Sportsfest.

Ipinamalas ng bawat RTC ang kanilang sigla at enerhiya sa Cheerdance Competition, kung saan itinanghal na kampeon ang ATI MIMAROPA.

Sa ikalawang araw, nagsimula ang board games competition, na nagpatunay ng diskarte at talas ng pag-iisip ng mga kalahok.

Itinanghal na kampeon sa Chess (men category) ang ATI CALABARZON at ATI Bicol (women category). Sa larong Scrabble, nanaig ang ATI Bicol (men category) at ATI MIMAROPA (women category).  Hindi rin nagpahuli ang ATI Bicol sa larong Amazing Race na nagbigay ng kakaibang excitement at hamon sa mga kalahok. Sa larong ito, kailangang kooperasyon ng bawat miyembro gayundin ang talino, bilis, at koordinasyon ng bawat pangkat.

Ipinakita naman ng mga manlalaro ang kanilang liksi at husay sa pagpalo ng bola sa larong Table Tennis kung saan ipinakita ng manlalaro ng ATI Bicol (men category) at ATI ITCPH (women category at mixed doubles category) ang galing sa pagkontrol ng palo sa bola. Ang mabilis na paggalaw sa court at matinding focus ang naging susi ng ATI ITCPH para makuha ang kampeonato sa tatlong kategorya ng larong Badminton (men, women, at mixed doubles category). Matinding konsentrasyon at diskarte rin ang ipinamalas ng mga manlalaro sa Darts kung saan hinirang na kampeon ang ATI ITCPH (men category) at ATI MIMAROPA (women category).

Matinding aksyon ang nasaksihan ng mga manood sa ikatlong araw ng kompetisyon para sa  finals ng larong Basketball, kung saan matagumpay na nasungkit ng ATI MIMAROPA ang parehong kampeonato (men at women category). 

Matitinding spikes naman ang maririnig at malakas na hiyawan sa bawat makapigil-hiningang saves ang natunghayan sa finals ng Volleyball kung saan nakuha ng ATI CALABARZON ang kampeonato (men category) at ATI MIMAROPA (women category).

Sa huling dalawang bahagi ng paligsahan, nagmistulang concert ang buong CBSUA Student Atrium. Ipinakita ng mga kalahok sa Boyband/Girlband Competition ang kanilang galing sa pagkanta, pagtugtog ng instrumento, at karisma sa entablado, kung saan itinanghal na pinakamahusay ang ATI MIMAROPA. Namangha naman ang mga manonood ng Dancesports kung saan ipanamalas ng ATI CALABARZON ang kanilang husay sa saliw ng musika.

Sa pagtatapos ng kompetisyon, masayang iginawad ng Assistant Director ng ATI na si Bb. Antonieta J. Arceo ang mga medalya at tropeyo sa bawat kalahok na nagsilbing halimbawa ng kahusayan sa kanilang larangan, team work, at sportsmanship.

Itinanghal na back-to-back champion ang ATI MIMAROPA. Nakuha naman ng ATI ITCPH ang first runner-up finish; second runner-up ang ATI CALABARZON; at third runner-up naman ang ATI Bicol.

Nagtapos ang paligsahan sa pamamagitan ng pagpapasa ng sportsfest torch ni Bb. Elsa Parot kay G. Pat Andrew B. Barrientos ng ATI MIMAROPA bilang susunod na host ng Luzon Cluster B Sportsfest sa 2026.

Ulat ni: Hans Christopher C. Flores

 

article-seo
bad