Training of Trainers para sa RCEF, Isinasagawa sa Ikalimang Taon ng Programa

Thu, 06/29/2023 - 19:12
TOTRCEF5thyear

TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Kasalukuyang hinahasa ang kaalaman at kasanayan ng tatlumpung (30) mga kalahok mula sa rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA at Bicol ukol sa produksyon ng inbred rice seeds at sa makabagong makinarya sa pagpapalayan.

Bilang pagsuporta ng mga katuwang sa pagpapatupad ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), dumalo at naging bahagi ng pagbubukas ng nasabing pagsasanay sina Ms. Rosalinda Talavera, Provincial Director ng TESDA Cavite, at Engr. Marcos Aves, Sr., Regional Technical Director for Operations and Extension ng Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO) IV-A. Samantala, nagpahatid rin ng mensahe sina Dr. Karen Eloisa Barroga, Deputy Executive Director ng DA-PhilRice; Dr. Dionisio G. Alvindia, Director IV ng DA-PhilMech; at Dir. Remelyn R. Recoter, MNSA, CESO III ng DA-Agricultural Training Institute (ATI).

“Ang battle cry nga ng Kagawaran, ika ng ating Pangulo, ay ang magkaroon ng MASAGANANG AGRIKULTURA at MAUNLAD NA EKONOMIYA ang ating bansa. At bilang mga potensyal na katuwang namin, napakahalaga ng inyong gampanin upang makamit natin ang pangarap na ito,” isang hamon na binitawan ni DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas sa kanyang pambungad na mensahe.

Ang pagsasanay na Training of Trainers on Production of High-Quality Inbred Rice Seeds and Farm Mechanization ay nagsimula noong ika-27 ng Hunyo, 2023 at magtatapos sa ika-6 ng Hulyo, 2023. Layunin ng pagsasanay na maging ganap na tagapagsanay at aktibong katuwang ang mga kalahok sa pagpapatupad ng RCEF-Farmer Field School (FFS) sa kani-kanilang mga komunidad.

Ulat ni: Darren B. Bayna

 

article-seo
bad