Kaalaman sa Pagsasaka, Serbisyo para kay Juana hatid ng DA-ATI CALABARZON

Mon, 03/04/2024 - 12:52
womens month 2024

 

TRECE MARTIRES CITY, Cavite-Bilang pagsuporta sa paggunita ng buwan ng kababaihan ngayong Marso, nakikiisa ang DA-Agricultural Training Institute-CALABARZON sa pagdiriwang at pagkilala sa kahalagahan ng kontribusyon ng mga kababaihan sa lipunan. Ang pagdiriwang ngayong taon ay nakatuon sa tema na "Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas; Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!" Binibigyang-diin ng tema ang pagsulong sa tungo sa isang mas patas na lipunan at mas pantay na mga oportunidad, malaya mula sa mga hadlang sa diskriminasyon sa kasarian.

Sa buwan ng Marso, pangungunahan ng ahensya ang iba’t ibang pang-ekstensyon na gawain tulad ng pagsasanay at pagpapakita ng mga teknolohiya sa pagtatanim. Upang pormal na panimulan ang mga gawain, nagkakaroon ng pagbabahagi ng mga mensahe at pagsuporta ang mga kawani ng DA-ATI CALABARZON ngayong ika-4 ng Marso. Ito ay isinapubliko sa pamamagitan ng Facebook Live.

Ang mga kababaihan naman sa komunidad ng syudad na ito ay maaaring bumisita sa UrbanATI’nTo Techno Demo Farm ng DA-ATI CALABARZON at makita ang iba’t ibang pamamaraan ng pagtatanim sa maliit na espasyo. Sila rin ay magkakatanggap ng urban agriculture starter kit pagkatapos ng maikling pagtuturo. Ito ay gaganapin sa ika-8 ng Marso sa ganap na alas-8 at alas-9 ng umaga.

Upang mapalakas ang kakayahan ng mga kawani ng ahensya, magkakaroon ng isang araw na pagsasanay tungkol sa iba’t ibang kakayahan ng isang lider. Tatalakayin din dito ang pagpapalakas ng kalusugan sa kaisipan. Ito ay isasagawa sa ika-11 ng Marso sa Trece Martires City.

Dagdag pa sa mga gawaing nabanggit ay ang pagsusuot ng kulay lila na damit tuwing Biyernes at pagbibigay kilala sa mga kababaihan sa agrikultura sa pamamagitan ng online platforms.

Ulat ni: Bb. Janine Cailo

 

article-seo
bad