25 AEWs, Sinanay ukol sa Risk-based Pre-Inspection of Farms

Mon, 08/08/2022 - 09:57
25 AEWs, Sinanay ukol sa Risk-based Pre-Inspection of Farms

Bilang pagsuporta ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa propesyonalisasyon ng sektor ng agrikultura at paghahanda sa mga Agricultural Extension Workers (AEWs) para sa Participatory Guarantee System (PGS), isinagawa ang Training on Risk-based Pre-Assessment of Farms for Organic Agriculture (OA), isang accredited training program ng Professional Regulation Commission (PRC) na may kaakibat na 12 Continuing Professional Development (CPD) points para sa mga licensed Agriculturist. Ang nasabing pagsasanay ay isinagawa noong ika-3 hanggang ika-5 ng Agosto, 2022 sa Don Leon Nature Farm, Brgy. Poctol, San Juan, Batangas. Ito ay dinaluhan ng dalawampu’t limang (25) teknikong pansakahan mula sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas, Quezon at Rizal.

Nagsilbing mga tagapagtalakay sina G. Vicente D. Limsan, Jr., Science Research Specialist II, at G. John Lawrence A. Arrogante, Science Research Specialist I, mula sa Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) kasama rin si G. Arnaldo P. Gonzales mula sa Department of Agriculture Regional Field Office IV-A. Tinalakay sa pagsasanay ang pangkalahatang pananaw ukol sa PGS, Module 1 Overview at Principles of OA, Module 2 ukol sa Philippine National Standards (PNS) on OA, Module 3 Risk-based Inspection at Module 4 Risk Identification.

Nagkaroon ng aktuwal na pre-assessment inspection ukol sa mga pamamaraan (practices) na isinasagawa sa Don Leon Nature Farm na naaayon sa PNS on OA (PNS:BAFS 07:2016) kung saan ay kinapanayam ng mga kalahok ang may-ari ng nasabing sakahan na si Dr. Noel Gutierrez sa pamamatnubay ni G. Limsan at G. Arrogante.

Dumalo sa pagtatapos ng programa si ATI CALABARZON OIC Center Director Dr. Rolando V. Maningas at pinasalamatan ang mga kalahok sa pagtugon sa ganitong pagsasanay. Saad din ni Dr. Maningas ang kahalagahan ng mga kaalaman at kasanayan na kanilang nakuha sa pagsasanay mula sa mga dalubhasa ng BAFS upang mas lalo pang mapalaganap ang organikong pagsasaka sa buong rehiyon ng CALABARZON.

Ulat ni: Soledad E. Leal

article-seo
bad