Digital Farmers Program, Patuloy na Pinapalaganap sa CALABARZON
LUCENA CITY, Quezon – Isinagawa ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON sa pamamagitan ng Information Services Section ang Training of Trainers (TOT) on Digital Agriculture for Agricultural Extension Workers (AEWs) noong ika-15 hanggang ika-17 ng Marso, 2023 sa Ouan’s Worth Farm & Family Resort Corporation, isang certified Learning Site for Agriculture (LSA), sa Brgy. Kanlurang Mayao, Lucena City, Quezon. May kabuuang dalawampung (20) AEWs mula sa Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Center sa CALABARZON ang nagsipagtapos sa tatlong (3) araw na pagsasanay.
“Bilang AEWs, maging instrumento nawa kayo para makapaghatid ng angkop na impormasyon at mas mapaigting ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya para sa modernisadong pamamaraan ng pagsasaka,” batid ni Dr. Rolando V. Maningas, Training Center Superintendent II / Center Director ng DA-ATI CALABARZON, sa mga kalahok.
Binigyang-diin ng pagsasanay ang nilalaman ng 101 at 102 modules ng Digital Farmers Program (DFP). Nagsilbing mga tagapagsalita sina Bb. Maridelle Jaurigue, Information Officer III; Bb. Jamila Balmeo, Information Officer II; at G. Hans Flores, Agriculturist I. Nakapaloob sa DFP 101 ang Smartphone 101, Accessing the Internet (Facebook, Google at Youtube), Basic Agriculture-related Applications (Payong Pag-asa/Accuweather, e-Learning for Agriculture and Fisheries at GPS Fields Area Measure) at Basic Social Media Marketing (Facebook Marketplace). Samantala, ibinahagi naman sa mga kalahok ang Advanced Agriculture-related Applications (SPIDTECH, Plant Doctor, AgriDOC App, Moet App at iba pa), Advanced Social Media Marketing (Canva at Social Media Marketing Plan), e-Commerce Platforms (e-Kadiwa ni Ani at Kita, Shopee at Lazada) at Maya sa ilalim ng DFP 102.
Bilang bahagi ng pagsasanay, gumawa ang mga kalahok ng online poster gamit ang Canva application. Sumailalim din sila sa demo back session kung saan nagsilbi silang tagapagtalakay patungkol sa kaukulang paksa ng DFP.
“Kami ay nangangako na hangga’t kaya namin, lahat ng natutunan namin ay pagsisikapan na maturuan ang mga mangingisda at magsasaka, gayundin ang mga kabataan na gustong matuto sa aming lugar. Sobrang makabuluhan ang mga aralin dahil malaki ang maitutulong nito sa mga magsasaka at mangingisda hindi lamang sa aming bayan kundi sa lahat ng mga bayan,” pagbabahagi ni Bb. Maricar Bruzo ng FITS Center Patnanungan, Quezon.
Ang DFP ay proyekto ng DA-ATI at Smart Communication Inc., na naglalayong turuan ang mga magsasaka at extension workers ng mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka.