STA. ROSA CITY, Laguna - Isinagawa ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang Extension Partners’ Forum, na may temang “Product Development: An Agricultural Game Changer,” noong ika-23 ng Nobyembre, 2022. Layunin ng nasabing aktibidad na matalakay ang napapanahon at makabagong impormasyon, gayundin upang madagdagan ang kaalaman ng extension partners ukol sa product development sa pamamagitan ng proper packaging at labelling ng farm value added products.
“Kapag sinabi nating game changer - shift, alteration, introduction of something new. Ibig sabihin, may pagbabago in a significant or positive way,” ani Gng. Sherylou C. Alfaro, OIC Training Center Superintendent (TCS) I / Assistant Center Director, sa kanyang pambungad na pananalita.
Tinalakay ni Bb. Anna Leah B. Wong mula sa PageFX Design Studio ang tungkol sa Product Development at Market Expansion. Samantala, nagbigay naman ng kabuuang pananaw sa mga serbisyo ng Department of Trade and Industry, partikular ang Design Center Philippines, sina Bb. Karla Patricia Placido at G. Rowe Regoque.
Pinangunahan ni Dir. Remelyn Recoter, OIC Director IV ng DA-ATI, at Dr. Rolando V. Maningas, OIC TCS II / Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ang paggawad ng karangalan sa mga exemplary performing extension partners.
Mahigit limampung (50) extension partners mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ang dumalo sa nasabing forum na ginanap sa WalterMart Sta. Rosa City, Laguna, ang bagong partner ng DA-ATI CALABARZON.
Ulat ni: Ric Jason T. Arreza