Halamanan sa Bahay-Kalinga, Inilunsad

Wed, 04/13/2022 - 09:24
Halamanan sa Bahay-Kalinga, Inilunsad

Bilang tugon sa kahilingan ni G. Joel G. Paragas, Pangulo ng Inspiring Champion Mountaineers (ICM), nakipagtulungan ang ATI CALABARZON sa Cottolengo Filipino, Inc., isang non-profit religious organization na kumakalinga sa mga batang may kapansanan at may espesyal na pangangailangan, para mapagkalooban ng starter kits ang nasabing bahay ampunan.

Isinagawa ang paglulunsad ng programang, “Halamanan sa Bahay-Kalinga” noong ika–11 ng Abril, 2022 sa Rodriquez, Rizal. Dumalo sa paglulunsad sina Bb. Marites Piamonte-Cosico, ATI CALABARZON Center Director; Dr. Rolando V. Maningas, Assistant Center Director; Gng. Sherylou C. Alfaro, Chief ng Partnerships and Accreditation Services Section; Rev. Fr. Julio Cuesta Ortega, FDP, President/Executive Director ng Cottolengo Filipino, Inc.; G. Paragas ng ICM; Engr. Pocholo Raymundo mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Rizal; at G. Anson Go mula naman sa Office of the Municipal Agriculturist ng Rodriguez.

Nagpahayag ng mensahe ng pagsuporta si Center Director Cosico at sinabi na nalulugod ang ATI CALABARZON di lang sa pagpapalaganap ng Urban Agriculture sa bayan ng Rodriguez kundi ang mapabilang sa promosyon ng adbokasiya para sa mga batang may espesyal na pangangailangan.

Ipinaliwanag ni Gng. Alfaro ang background/rationale ng programa. Nagpaabot naman ng pasasalamat si G. Paragas para sa agarang pagtugon sa kanilang kahilingan. Nagpahayag din ng suporta ang OPA Rizal na kinatawan ni Engr. Raymundo.

Nagkaroon din ng paglagda sa Memorandum of Understanding sa pagitan ng ATI CALABARZON, ICM, Cottolengo Filipino, Inc., Office of the Provincial at Municipal Agriculturist. Ang nasabing halamanan ay ang bakanteng lote sa loob ng bahay ampunan na pagtutulungang palaguin ng mga kawani ng Cottolengo Filipino, Inc. at mga seminarista sa kalapit na seminaryo.

Samantala, pinangunahan ni Assistant Center Director Dr. Maningas ang pag-turn over ng starter kits na naglalaman ng mga assorted vegetable seeds, seedling tray, vermicast at polyethylene bags.

Pagkatapos ng programa ay nagkaroon ng Seminar on Basic Urban Gardening na pinangunahan nina Engr. Raymundo at Bb. Ma. Pilar Pablo.

Ito ang kauna-unahang kolaborasyon ng ATI CALABARZON sa bahay-ampunan at nilalayon din ng programa na maging isang Learning Site for Agriculture ang Cottolengo Filipino, Inc.

Ulat ni: Soledad E. Leal

article-seo
bad