Ang Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture – Regional Field Office (DA RFO) IV-A ay nagsagawa ng Capacity Enhancement Course on Organic Agriculture Production and Rice Technology Updates sa ABF Integrated Farms and Agribusiness Center, Brgy. San Juan, San Pablo City, Laguna noong ika-24 hanggang ika-26 ng Mayo, 2022. Ang pagsasanay ay nilahukan ng tatlumpu’t isang (31) Local Farmer Technicians (LFTs) mula sa iba’t ibang bayan sa CALABARZON. Nilayon ng pagsasanay na madagdagan ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok ukol sa organikong paggugulayan gayundin ang pagkilala sa mga peste at sakit ng palay.
Buo ang suporta ng DA RFO IV-A sa pagsasanay sa pangunguna ni Regional Executive Director Engr. Arnel V. De Mesa sa pamamagitan ni Gng. Marissa Hassa. Nagsilbing mga tagapagtalakay sina G. Glenn Alianza na ibinahagi ang Rice Industry Situationer at ang mga programa ng Kagawaran ukol sa pagpapalayan. Dagdag pa rito, ipinaliwanag nina Gng. Pamela Marasigan at Bb. Abril Madora Gallegos ang tungkol sa mga peste at sakit ng palay. Samantala, si Gng. Frene Dela Cruz naman mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Laguna ang nagbahagi ukol sa organikong pagsasaka na nakatuon sa organikong paggugulayan at paggawa ng iba’t ibang organikong pataba.
Nagkaroon ng pakitang-gawa sa ikatlong araw ng pagsasanay kung saan tinuruan ang mga kalahok kung paano gumawa ng mga organikong pataba at organic concoctions.
Pinangunahan ni ATI CALABARZON OIC Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang pagtatapos ng pagsasanay at binigyang-diin ang mga gampanin ng LFTs sa ating rehiyon. Nagpasalamat din siya sa mga kalahok sa pagdalo sa nasabing pagsasanay at sa pakikiisa sa mga programa ng ATI CALABARZON.
Ulat mula kay: Soledad Leal