Internal Control System, Hakbang Tungo sa Abot-kayang Sertipikasyon

Mon, 07/25/2022 - 18:47
Internal Control System, Hakbang Tungo sa Abot-kayang Sertipikasyon

STA. MARIA, Laguna – Isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON kasama ang Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO) IV-A ang limang (5) araw na pagsasanay, ang “Training on Internal Control System (ICS) towards Participatory Guarantee System (PGS) Core Group Formation sa Sweet Nature Farms, Brgy. Macasipac, Sta. Maria, Laguna noong ika-18 hanggang ika-22 ng Hulyo, 2022.

Dalawampu’t pitong (27) magsasaka mula sa lalawigan ng Laguna at Rizal ang dumalo sa nasabing pagsasanay. Binigyang-diin ang mga pamamaraan upang mabuo ang isang ICS na siyang magiging gabay ng mga magsasaka tungo sa abot-kayang sertipikasyon at garantiya na ang mga produkto at ani ay organiko.

Sa loob ng limang (5) araw, sina G. Arnaldo Gonzales, G. Jun Villarante at Bb. Crissel Tenolete mula sa DA RFO IV-A ang nagsilbing mga tagapagtalakay.

Hinikayat ni ATI CALABARZON OIC Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang mga mag-aaral na gamitin ang lahat ng kanilang matututunan, magkaroon ng inisyatibo at pagmamahal sa kanilang ginagawa. Umaasa si Dr. Maningas na bago matapos ang taong 2022 ay mayroon ng sertipikadong PGS Core Group sa rehiyon ng CALABARZON.

Ang ATI CALABARZON ay patuloy na magsasagawa ng mga pagsasanay at serbisyong pang-ekstensyon upang mailipat ang mga teknolohiyang kinakailangang malaman ng mga magsasaka. Layunin ng pagsasanay na mapag-aralan ang mga modules patungkol sa pagbuo ng PGS na magiging daan sa pagkatatag ng PGS Core Group sa kani-kanilang probinsya. Ang pagsasanay ding ito ay dinesenyo upang hasain ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok ukol sa operasyon ng PGS na naaayon sa pambansang pamantayan ng organikong pagsasaka.

Ulat ni: Ric Jason T. Arreza

article-seo
bad