Mga Kabataan at Magsasaka sa Magdalena, Nagsanay sa Ikalawang Antas ng Digital Farmers Program

Thu, 03/17/2022 - 17:29
Mga Kabataan at Magsasaka sa Magdalena, Nagsanay sa Ikalawang Antas ng Digital Farmers Program

MAGDALENA, Laguna – Katuwang ng Agricultural Training Institute (ATI) ang Smart Communications, Inc. sa paghahatid ng Digital Farmers Program (DFP) upang magsanay at magbigay kaalaman sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka gamit ang mobile applications. Ang CALABARZON ang nagsilbing pilot region sa pagpapatupad ng DFP.

Kaugnay nito, isinagawa ng ATI CALABARZON sa pakikipagtulungan sa Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Center Magdalena, Laguna ang unang batch ng DFP 102 noong ika-16 hanggang ika-17 ng Marso, 2022. May kabuuang dalawampung (20) magsasaka at kabataan ang nagtapos sa dalawang (2) araw na pagsasanay.

Batid ni ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico ang kahalagahan ng makabagong teknolohiya sa agrikultura. Anya, “isa sa mga key strategies ng One DA Reform Agenda ang Digital Agriculture tungo sa modernisadong pagsasaka sa bansa. Kaya talagang napapanahon ang DFP para makapaghatid ng angkop na impormasyon na may kinalaman sa smartphone applications na magagamit ninyo sa ikauunlad ng pagsasaka.”

Nagsilbing mga tagapagtalakay mula sa Information Services Section ng ATI CALABARZON sina G. Hans Flores, Agriculturist I; Bb. Jamila Balmeo, Information Officer II; at Bb. Maridelle G. Jaurigue, Media Production Specialist II / OIC Chief ng Information Services Section. Ibinahagi ni G. Flores ang advanced agriculture-related applications kabilang ang Plant Doctor at SPIDTECH. Samantala, tinalakay ni Bb. Balmeo ang advanced social media marketing kung saan gumawa ng social media marketing plan gayundin ng online poster ang mga kalahok gamit ang Canva application. Ipinaliwanag naman ni Bb. Jaurigue ang iba’t ibang e-commerce platforms tulad ng eKadiwa ni Ani at Kita, Shopee at Lazada. Itinuro din niya ang mga bahagi at gamit ng PayMaya kung saan gumawa ang bawat kalahok ng kanilang sariling account.

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe si Dr. Rolando V. Maningas, Assistant Center Director ng ATI CALABARZON. Hinimok niya ang mga kalahok na gamitin ang mga natutunan sa kanilang pagsasaka.

Layunin ng DFP na maturuan ang mga magsasaka ng iba’t ibang digital tools at technologies. Ito ay may tatlong (3) antas: Beginners (101), Intermediate (102) at Advanced (103).

article-seo
bad