Mga Kinatawan ng Rizal, Batangas at Cavite, Sinanay ukol sa PGS
STA. MARIA, Laguna - Nagsagawa ng Training of Trainers (TOT) on Participatory Guarantee System (PGS) ang Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON sa pakikipagtulungan sa DA Regional Field Office (RFO) IV-A noong ika-6 hanggang ika-17 ng Pebrero, 2023 sa Sweet Nature Farms, isang certified Learning Site for Agriculture at PGS certified organic farm na matatagpuan sa Barangay Macasipac, Sta. Maria, Laguna. Ang pagsasanay ay dinaluhan ng dalawampu’t dalawang (22) kalahok mula sa lalawigan ng Rizal, Cavite at Batangas kabilang ang mga magsasaka na bubuo sa PGS Core Group, kinatawan mula sa Office of the Provincial at Municipal Agriculturist at DA RFO IV-A.
Nagsilbing mga tagapagtalakay sa loob ng sampung (10) araw na pagsasanay sina G. Arnaldo P. Gonzales, G. Jun Villarante at Bb. Crissel A. Tenolete mula sa DA RFO IV-A kasama si Bb. Soledad E. Leal mula sa DA-ATI CALABARZON. Nagsilbi namang mga tagapagpadaloy ng pagsasanay ang mga kawani mula sa Partnerships and Accreditation Section (PAS) ng DA-ATI CALABARZON.
Nagkaroon ng mga pagtalakay, pagpapalitan ng karanasan, kuro-kuro at workshops upang makabuo ng sipi ng Manual of Operations ang mga nasabing grupo. Dagdag pa rito, nagkaroon din ng aktwal na inspeksyon na tinatawag na “Peer Review” sa lengwahe ng PGS na isinagawa sa taniman ng mga kalahok mula sa Pililla at Baras, Rizal. Ito ay isa sa pinaka-tampok na gawain kung saan ang mga kalahok ay nagkaroon ng pagkakataon na mai-apply ang kanilang mga natutunan sa mga nakalipas na araw at bigyang-tuon ang mga nararapat na gawin ng isang peer reviewer gayundin ang mga kakailanganing sundin ayon sa Philippine National Standards on Organic Agriculture (OA).
Samantala, nagpaabot naman ng mensahe ng pagsuporta si Kgg. Senador Cynthia A. Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food at pangunahing may-akda ng Republic Act (RA) 11511, ang batas na nag-amyenda sa OA Act of 2010 o ang RA 10068.
Pinangunahan ni Training Center Superintendent II / Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang pagbubukas ng pagsasanay at nagbigay naman ng mensahe si Bb. Abegail L. del Rosario, OIC Chief ng PAS, sa pagtatapos nito.
Nagpasalamat naman ang mga kalahok sa pamamagitan ng mga impresyon na inilahad nina Gng. Rubi Rosa Arreza mula sa hanay ng PGS Core Group ng Batangas, Bb. Genina Reyes ng PGS Core Group ng Cavite at G. Carlo Jose David ng PGS Core Group ng Rizal.
Nilayon ng TOT on PGS na mahasa ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok ukol sa pagtatatag at operasyon ng PGS na naaayon sa pambansang pamantayan ng Organikong Pagsasaka.
Ulat ni: Soledad E. Leal