Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 8th Organic Agriculture Month na may temang “Maunlad na Pagsasaka, Garantisado sa Organikong Agrikulturang Sinaliksik”, binigyang tugon ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang kahilingan ng Silent Integrated Farm Inc., isang Learning Site for Agriculture mula sa Liliw, Laguna, na makapagsagawa ng Training on Integrated Diversified Organic Farming System (IDOFS) para sa kanilang bayan.
Sa tatlong (3) araw na pagsasanay, nagsilbing mga tagapagtalakay ang mga dalubhasa sa larangan ng organikong pagsasaka na sina Bb. Frene Dela Cruz mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Laguna; G. Magsaysay Gutierrez at Bb. Michelle Ortiz, ganap na mga Organic Agriculture Production (OAP) NC II Trainer at Assessor mula sa Bay, Laguna. Nagpakitang-gawa ukol sa paggawa ng mga organikong pataba ang mga kalahok ng pagsasanay.
"Lahat pala ng mga bagay na nasa paligid natin ay may pakinabang o purpose. Napakaganda ng pagsasagawa ng organikong pagsasaka dahil hindi lang pala ito nakakatulong sa ating katawan kundi maging sa ating kapaligiran. Sa ating mga kabataan, sana ay ipagpatuloy natin ang mga ganitong gawain dahil tayo parin ang pag-asa ng bayan", ani Bb. Jhomeliza Pandiño sa kanyang impresyon.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, bilang kinatawan ng Silent Integrated Farm Inc., nagbigay ng mensahe ng pasasalamat si G. Paulo Manalang sa DA-ATI CALABARZON at sa dalawampu’t limang (25) nagsipagtapos para sa pagtugon ng ahensya sa kanilang kahilingan at sa aktibong partisipasyon ng mga kalahok para sa matagumpay na pagsasanay.
Isinagawa ang Training on IDOFS mula ika-9 hanggang ika-11 ng Nobyembre 2022.